Kaugnay sa ipinapatupad na liquor ban sa buong lalawigan ng Bataan ay nasabat sa checkpoint ng Mariveles Marshal at Mariveles PNP ang 5 kahong alcoholic drinks sa Roman Highway Brgy. Batangas Dos, Mariveles, Bataan nitong Martes.
Sa ulat mula kay Police Lt. Col. Ronald Almirol, Mariveles PNP chief, pinara ng mga otoridad ang isang Genesis Bus na may body number 818695, at nang mainspeksyon ang cargo compartment ay nakita nila ang 5 kahon ng kilalang brand ng gin.
Ayon pa kay Lt. Col. Almirol, inako ng konduktor ng bus na si Ernesto Busine Jr., 22 anyos, residente ng Mt. View, Mariveles, na siya ang may-ari ng mga nabanggit na nasabat na 5 kahong gin.
Dinala ang mga nasabat na alak at ang suspek sa himpilan ng Mariveles PNP. Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Provincial Ordinance No. 4 na nagpapairal sa liquor ban sa buong lalawigan ng Bataan.
Kamakailan ay pinangunahan ni Mariveles Mayor Jocelyn Castañeda ang pagtatapon ng mga nakumpiskang alcoholic drinks bilang pagpapakita na seryoso ang Mariveles LGU sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.