LUNGSOD NG MALOLOS — May kabuuang limang cooperators ang sumailalim sa coaching sessions ng Department of Trade and Industry o DTI upang siguruhing naaayon sa napagkasunduang kundisyon ang paggamit ng mga ipinagkaloob na Shared Service Facility o SSF.
Ayon kay DTI Bulacan Director-In-Charge Ernani Dionisio, binuo nila ang plano katuwang ang mga cooperators na Provincial Cooperative and Enterprise Development Office na may SSF para sa packaging service, San Isidro Multipurpose Cooperative na may SSF para sa milkfish processing, Plaridel Vegetable Growers Multipurpose Cooperative na may SSF para sa organic fertilizer, Kabalingay Bulacan 3rd District Federation Inc. na may SSF para sa gifts, decors and housewares making at pamahalaang bayan ng Calumpit na may SSF para sa meat processing upang magamit ang buong potensyal ng mga kagamitan at mas pakikinabangan ng mga benepisyaryo.
Napagkasunduan sa parte ng packaging service ang paglalagay ng designated point person na magmimitina ng logbook ng lahat ng gumagamit ng pasilidad, pag-aralan ang bayad para sa serbisyo ng packaging service na naaayon sa pangkasalukuyang presyo at maigting ng promosyon ng Bulacan Packaging Service and Toll Packing Center.
Para naman sa SSF ng vegetable growers, nais nilang humiling ng soil testing kits at pagbili ng elf truck na siyang gagamitn sa paghahakot ng mga aning produkto at paghikayat ng pagdami ng kanilang miyembro mula sa 102 patungo sa 300.
Gayundin para sa ibang pang SSF, napagkasuduan ng maglagay ng point person na magmimitina ng operasyon ng pasilidad at tuloy-tuloy na promosyon ng SSF para mas marami pa ang tumangkilik.
Ang SSF ay isang flagship project ng DTI na naglalayong mapataas ang kalidad ng mga produktong likha ng mga micro, small and medium enterprises
sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga makina, kagamitan, kasangkapan at pagtututuro ng kasanayan sa ilalim ng pinagsamang sistema.