
BALER, Aurora – Tampok ang nasa 50 obra ng mga local artists sa isinasagawang Aurora Bagong Sinag Art Exhibit.
Matatagpuan sa ikalawang palapag ng Museo de Baler, matutunghayan ang mixed media, oil painting, at sculpture na naglalarawan ng iba’t ibang tema kabilang na ang kultura, kasaysayan, at pagkakakilalan ng lalawigan.
Ayon kay National Commission for Culture and the Arts (NCCA) National Committee on Visual Arts Head Dennis Montera, ang sining ay isang paraan ng pagpapahayag ng diwa at damdamin na nagmumula sa kaibuturan ng kaluluwa.
“Sa pamamagitan ng sining, mas naipapahayag natin ang ating pagkakakilanlan at kasaysayan bilang isang bayan,” dagdag pa ni Montera.
Mananatiling bukas sa publiko ang Aurora Bagong Sinag Art Exhibit hanggang ika-30 Marso 2025.
Liban sa eksibit, nagsagawa rin ang NCCA ng dalawang araw na art workshop patungkol sa installation art, printmaking, at collage.
Nilahukan ito ng 120 mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ng lalawigan. (CLJD/MAT, PIA Region 3-Aurora)