50 taong prangkisa para sa New Manila International Airport

Ganap nang isang batas ang ipinagkaloob na prangkisa para sa pagtatayo ng Bulacan mega airport o ang New Manila International Airport (NMIA) bilang Republic Act 11506.  

Base sa ipinadalang dokumento ni Congressman Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan, 50 taong prangkisa ang ipinagkakaloob sa San Miguel Aerocity Inc. na siyang konsesyonaryo sa pagtatayo, pagbubukas at operasyon ng naturang paliparan.

Ayon sa kanyang inakda na House Bill 7507, nakapaloob sa prangkisa ang pagbibigay ng palugit na 10 taon upang kumpletuhin ang konstruksiyon ng NMIA at pasimulan ang operasyon nito sa 2,500 ektaryang lupain sa Bulakan na katabi ng Manila Bay. Inuutusan din ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bigyan ng operating permit ito sa loob ng isang taon matapos makumpleto ang konstruksiyon.

Sa loob ng nasabing 10 taon, pagkakalooban ng pamahalaang nasyonal ang konsesyonaryo ng iba’t ibang tax incentives at exemptions gaya ng income taxes, value added taxes, percentage taxes, excise taxes, documentary stamp taxes, customs duties and tariffs, taxes on real estates, buildings and personal property, business taxes, franchises taxes, supervision fees, levied at pati mga buwis na ipinapatad ng mga pamahalaang lokal.

Inuubliga naman sa nasabing prangkisa ang San Miguel Aerocity Inc. na magbayad sa pamahalaang nasyonal ng 12% Internal Rate of Return ng NMIA. Ibig sabihin, magkakaroon ng bahagi ang pamahalaang nasyonal sa kikitain ng operasyon ng NMIA sa ibabaw ng 12% profit margin at 14% naman sa lahat ng kikitain. Ganito rin ang probisyon sa bersiyon ng Senate Bill 1823 na iniakda naman ni Senador Juan Miguel F. Zubiri.

Kaugnay nito, sa isang pahayag ni Eduardo Raoul C. Romulo, chief financial officer at treasury head ng San Miguel Holdings Corporation, sa isang panayam na isinagawa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), inaasahang matapos ang konstruksiyon nito sa pagitan ng mga taong 2025 at 2026. Tinatayang 30 milyong bagong trabaho ang malilikha partikular na sa larangan ng turismo. May halagang P735.6 billion ang kabuuang halaga ng proyekto kung saan kasama ang pagtatayo ng 8-kilometrong elevated expressway mula sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Marilao patungo sa barangay Taliptip sa Bulakan.

Samantala, bukod sa 8-kilometrong NMIA Expressway mula sa NLEX, may 21 pang mga expressways ang ilalatag ng konsesyonaryo papunta at paalis sa NMIA. Kabilang diyan ang Skyway Stage 3 extension mula sa Balintawak papuntang Bulakan, Bulacan-Bataan Airport Expressway (BBEX), Bulacan-Tarlac Airport Expresswat segment 1 at segment 2, NMIA-MRT 7 Expressway mula Balagtas hanggang Bulakan at iba pang expressway extension projects mula sa Metro Manila papuntang NMIA sa Bulakan, Bulacan. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews