Tiniyak ng Metro Clark Waste Management Corp. (MCWMC) na hindi dapat mangamba ang lokal na pamahalaan ng Bulacan sa tone-toneladang basura araw-araw na ililikha ng Bulacan International Airport sakaling matuloy ang operasyon nito limang taon mula ngayon.
Nabatid na sakaling matuloy at ganap nang nakapag-ooperate ang nasabing paliparan na nakatakdang itayo sa bayan ng Bulakan, Bulacan simula next year 2020 ay tinatayang aabot sa 100 hanggang 200 milyong pasahero kada taon ang sasakay at lalapag dito.
Ayon kay Rufo Colayco, President ng MCWMC, ang nasabing dami ng bilang ng pasahero ay maaaring magdulot ng 30 hanggang 50 tonelada ng basura araw-araw.
Aniya, hindi magiging problema ng lokal na pamahalaaang panlalawigan ng Bulacan ang tone-toneladang basurang mahahakot dito araw-araw sakaling sa Metro Clark sanitary landfill ito itatambak.
Napag-alaman na umaabot ng halos 3,000 tonelada araw-araw ang tinatanggap sa kasalukuyan ng Metro Clark landfill na matatagpuan sa Sitio Kalangitan sa Capas, Tarlac kung kayat maliit na porsiyento lamang ang magiging basura mula sa New Manila International Airport sa Bulacan.
Ayon kay Michael Siebheneiger, MCWM Vice President for Operation , aabot pa hanggang 5,000 tonelada ng basura ang kaya nilang tanggapin araw-araw sakaling maitayo pa ang expansion facility na nakatakdang simulan ang konstruksyon sa susunod na mga taon kabilang na ang mga pasilidad para sa renewable energy generation mula sa mga nakolektang basura.
Subalit sinabi ni Colayco na sa kasalukuyan ay wala pa naman pag-uusap ang Provincial Government ng Bulacan at Metro Clark hinggil sa kung saan itatambak ang mga basurang manggagaling sa airport dahil sa hindi pa naman sinisimulan ang konstruksyon nito at matagal pa ito mangyayari kung sakali man.
Nabatid na ang Metro Clark landfill sa kasalukuyan ang tinaguriang Philippines’ first high technology at only world-class engineered sanitary landfill. “Sa patuloy na paglakas ng ekonomiya sa bansa ay patuloy din ang maraming produksyon ng basura, ngunit kung ang mga basurang ito ay magagamit bilang produkto ng enerhiya o waste-to-energy plant, ay kaya natin mapababa hanggang 70% ang volume ng basura na itatapon sa aming pasilidad,” ayon ky Colayco.
Sa pamamagitan din nito ayon kay Colayco ay mapapahaba ang lifespan ng kanilang landfill at kayang tumagal hanggang 50 taon kung saan siniguro nito na handang-handa sila sa laki ng volume ng basura na itatapon sa kanila na magmumula sa Central at Northern Luzon regions.