LUNGSOD NG MALOLOS, Mayo 29 (PIA) — Humigit kumulang 5,000 seedlings ng bakawan ang naitanim sa coastal area ng barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy.
Magkatuwang itong isinagawa ng Philippine Army, Department of Environment and Natural Resources o DENR, Philippine National Police at ilang civilian volunteers.
Ayon kay Army 48th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Felix Emeterio Valdez, ito ay nagpapatunay na sa kabila ng problemang hatid ng COVID-19 ay hindi pa rin humihinto at aktibo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa ilalim ng Infrastructure and Resource Management Cluster na magsagawa ng mga kahalintulad na aktibidad.
Aniya, kaisa ng DENR ang kasundaluhan sa pangangalaga ng kalikasan kaya’t hindi hadlang ang kasalukuyang pandemya upang maisulong ang pagpapanatili ng isang malinis at masiglang mangrove forest.
Sa isang pahayag, sinabi ni Army 703rd Brigade Commander Colonel Andrew Costelo na hangad ng Hukbong Katihan na magkaroon ng isang maayos na tirahan ang mga lamang dagat upang magkaroon ng balanse ang kalikasan.