5,239 katao, lumikas dahil kay Karding sa Bulacan

UMABOT sa kabuuang bilang na 5,239 Bulakenyo ang inilikas at napilitang iwan ang kanilang mga tahanan at sumilong sa iba’t ibang evacuation center sa lalawigan dahil sa hagupit ng Super Typhoon Karding mula Linggo hanggang Lunes.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office head Rowena J. Tiongson, 117 evacuation center ang kumupkop sa 1,571 pamilya kabilang ang 1,447 bata at 231 matatanda sa buong lalawigan.

Agad na ipinag-utos ni Governor Daniel Fernando ang pamamahagi ng family food packs (FFP) at non-food items (NFI) sa 176 pamilyang pansamantalang nanuluyan sa Obando Municipal Hall.

Mismong ang gobernador ang namahagi ng nasabing ayuda kasama sina Bise Gob. Alexis C. Castro at Punong Bayan ng Obando Leonardo D. Valeda.

Sinabi ni Fernando na bibisitahin at magdadala rin siya ng tulong sa iba pang mga apektadong Bulakenyo sa mga bayan ng San Miguel, Dona Remedios Trinidad, Angat, San Ildefonso, at San Rafael na matindi ring sinalanta ni Karding.

“Hangga’t hindi humuhupa ang tubig sa kanilang mga lugar ay hindi muna po natin pababalikin ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan dahil delikado pa. Pupuntahan po natin sila. Uunahin lamang po natin ang mga lubhang naapektuhan ng pagbaha at sisikapin po natin tulungan ang lahat ng nasalanta,” anang gobernador.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews