55 sasakyan, lumahok sa 2017 DOE Fuel Eco Run

CLARK FREEPORT ZONE, Nob.24 (PIA) — May kabuuang 55 sasakyan ang lumahok sa 2017 Fuel Economy Run ng Department of Energy o DOE Energy Utilization Management Bureau.

Ayon kay DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, pangunahing layunin ng aktibidad na pataasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng energy-efficient na mga sasakyan at ang positibong epekto nito sa mga mamimili at sa kapaligiran.

Paliwanag ni Fuentebella, sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng kapangyarihan ang mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa konsepto ng energy efficiency.

Dagdag pa ng opisyal, gagawin ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa konsumo ng gasoline sa bawat kilometro ng iba’t ibang uri ng mga sasakyan alinsunod sa aktwal na kondisyon ng pagmamaneho sa daan.

Kabilang sa mga kalahok na sasakyan ang sedans, service utility vehicles, multi-purpose vehicles, at pick-ups.

26 sa mga sasakyan na lumahok ay gumagamit ng diesel at 26 din ang gumagamit ng gasolina.

Kabilang dito ang mga kotseng may tatak na Volkswagen, Hyundai, Volvo, Ssangyong, Mini, Peugeot, Honda, Mitsubishi, Isuzu, Ford, Foton, Toyota, BAIC, Nissan, Mahindra, Suzuki, Honda, Mazda, Subaru, KIA at Chevrolet.

Tatlong guest entries din ang lumahok sa taong ito, kasama ang dalawang BMW sedans at isang Toyota hybrid sedan.

Inisponsoran ng Petron Corporation ang nasabing aktibidad. Binagtas ng mga nagsipaglahok ang 216.60 kilometro mula sa Petron Service Station sa Clark Freeport Zone hanggang sa Binalonan, Pangasinan Toll Plaza sa pamamagitan ng Subic-Clark-Tarlac at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressways.

Ito ay bahagi ng kampanyang E-Power Mo ng DOE na nagbibigay gabay sa mga mamimili sa pagdedesisyon at pagsasaalang-alang sa energy efficiency bilang isang pangunahing salik sa pagpili ng sasakyan. (CLJD/MJLS-PIA 3) Marie Joy L. Simpao

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews