Anim na pampublikong paaralan sa Bataan ang sinimulan na ang limited face to face classes.
Ang mga napiling magsilbing pilot areas ay Legua Elementary School sa Orani; Paysawan Elementary School at Binuangan Elementary School sa Bagac; Sto. Niño Biaan Elementary School at Biaan Aeta Integrated School sa Mariveles; at Saba Elementary School sa Hermosa.
Ayon kay Department of Education o DepEd Bataan Assistant Schools Division Superintendent Roland Fronda, nasa 689 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 3 ang inaasahang makikibahagi sa muling pagbubukas ng klase sa mga naturang paaralan.
Ang mga estudyante aniya ay may iskedyul ng pagpasok upang mapanatili ang physical at social distancing.
Patuloy na nakikipagugnayan ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan patungkol sa pagtalima sa mga umiiral na health protocol.
Dagdag pa ni Fronda, hangad ng kagawaran ang malawak at bukas na kaisipan ng mga magulang na muling ipagkatiwala sa mga paaralan at mga guro ang kanilang mga anak sapagkat habang tumatagal na wala sila sa paaralan ay mas tumatagal na hindi natututukan ang kanilang pagaaral.
Nanawagan siya sa mga magulang na ibalik na ang mga anak sa paaralan at gagampanan ng mga guro ang kanilang mandato para matulungan ang mga bata na mabigyan ng de kalidad na edukasyon.
Ang pagsasagawa ng limitadong face to face classes sa basic education ay pinapayagan na sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.
Ang Bataan at lahat ng lalawigan sa Gitnang Luzon ay nasa Alert Level 2 hanggang katapusan ng Pebrero.
Kabilang sa pamantayan upang payagan ang isang paaralan ay ang pagkakaroon ng walang aktibong kaso ng COVID-19 sa nakaksakop na barangay sa loob ng 28 araw at pagkakaroon ng pahintulot ng lokal na pamahalaan. (CLJD/CASB-PIA 3)