72% na MSMEs sa Bulacan nagpatuloy na -DTI

Makaraan ang mahigit isang taon na pakikibaka sa pandemiya dulot ng health crisis dahil sa Covid-19, muli nang ng nakapagsimula ng hanapbuhay ang may 72% na micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan mula nang tumama ang pandemya ng COVID-19 noong Marso 2020.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan Provincial Director Edna Dizon sa ginanap sa Kapehan with Media Partners, sa target na 3,000 mga MSMEs na nasa prayoridad na mga sektor gaya ng processed foods, agribusiness, clothing, housewares, decors at transportation, nasa 2,084 sa kanila ang muli nang nakakapagpatuloy.Patunay dito ang idinaos na Locally Sourced-Fresh Local Produce Fair na kauna-unahang face-to-face trade fair sa Bulacan na binuksan mula noong 2020. 

May inisyal na 20 mga MSMEs sa sektor ng food production at paghahalaman ang inilahok dito. Ayon kay Dizon, sila ay kabilang sa 72% na nagsisimula nang makabangon muli kaya’t umaalalay ang DTI-Bulacan para magtuluy-tuloy na.

Sa pamamagitan ng ahensiya, libreng ipinagamit ng Robinson’s Place Malolos ang kanilang main hall para pagdausan ng nasabing trade fair mula Hulyo 15 hanggang Hulyo 18, 2021. Kalakip nito ang pagpapatupad ng mga minimum health protocols upang hindi magkaroon ng kumpulan ng mga tao, na mahigpit na pinababantayan ni Mayor Gilbert Gatchalian.

Sinabi pa ni Dizon na masusundan pa ito ng iba pang mga trade fairs upang itampok ang iba pang nakakabangon nang MSMEs, partikular na iyong mga benepisyaryo ng One Town, One Product (OTOP) Next Generation Program. Nakatakda ito mula sa Agosto 2 hanggang 6, 2021 na bagong petsa ng MSMEs Week.

Prayoridad ng DTI-Bulacan na maitampok sa mga trade fairs ang mga MSMEs na nasa sektor ng pagkain at paghahalaman dahil ito ang madaling nauubos at kasama sa pangunahing pangangailangan ngayong may pandemya.Bukod dito, nagiging paraan din ang Locally Sourced-Fresh Local Produce Fair upang ipakita ang pag-unlad at pagsulong ng kalidad ng pagsasapekete o packaging ng mga MSMEs na napabilang sa OTOP Next Generation Program. Kasama na rito ang mas pinainam na shelf life, lasa at bagong disenyo ng packaging.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews