LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — May 733 marginalized na residente mula sa lungsod ang nakinabang sa 1.75 milyong pisong halaga ng ayudang kaloob ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng programa nitong Unconditional Cash Transfer/Tax Reform Cash Transfer o UCT/TRCT.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng 2,400 piso para sa taon o katumbas ng 200 piso kasa buwan bilang ayuda para sa unang taon ng programa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni DSWD Acting Secretary Virginia Orogo na pangunahing layunin ng programa na tulungan ang mga mahihirap na pamilya at mga nakatatanda na makasabay sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa merkado.
Ipinaliwanag ni DSWD Regional Director Gemma Gabuya kung paano makatutulong sa mga benepisyaryo ang ayuda mula sa programang Unconditional Cash Transfer/Tax Reform Cash Transfer ng ahensya. (Marie Joy L. Simpao/PIA 3)
Aniya, tatakbo ang programa sa loob ng tatlong taon upang bawasan ang epekto ng pagtaas ng bilihin at tulungan ang mahihirap na makayanan ang epekto nito sa kanilang pang araw-araw na kabuhayan.
Ayon sa kalihim, tataas ang ayuda sa susunod na dalawang taon sa 2,400 piso o 300 piso kada buwan.
Samantala, sinabi naman ni DSWD Regional Director Gemma Gabuya na napapanahon ang pagbibigay ng nasabing ayuda dahil kung patatagalin pa ito ay lalong malalagay sa alanganin ang mga mahihirap na sektor.
Ipinahayag naman ni Mayor Edwin Santiago ang kanyang pasasalamat bilang kauna-unahang lugar na nabigyan ng ganitong ayuda.
Aniya, malaking tulong ang mainit na suporta ng pamahalaan upang patuloy na mapahusay at maiangat ang buhay ng mga Fernandino.
Katuwang ng DSWD ang Land Bank of the Philippines sa pagpapatupad ng nasabing programa at ang lungsod ng San Fernando ang pilot area para dito.