734 pamilyang naapektuhan ng localized lockdown sa Brgy Perez tumanggap ng ayuda

LUNGSOD NG MALOLOS – Binisita ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang 734 na pamilya sa Barangay Perez sa bayan ng Bulakan at namahagi ng food packs sa 734 pamilya na naapektuhan ng localized lockdown matapos pito katao rito ang tinamaan ng coronavirus disease.

Isinagawa ang food packs distribution ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa covered court ng Jose L. Perez Memorial School, Bulakan, Bulacan Huwebes ng umaga.

Ayon kay Rowena Joson-Tiongson, pinuno ng PSWDO, bawat bahay ay tatanggap ng food pack na naglalaman ng 5 kilo ng bigas at 10 packs ng noodles bilang tulong sa mga apektadong pamilya.

Sinabi ni Gob Fernando na patuloy na namamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga food pack para sa mga Bulakenyo lalo na sa mga pamilyang naka-lockdown.

“Ang Pamahalaang Panlalawigan po ay patuloy na sumusuporta sa mga apektadong lugar lalo na po sa mga area na kasalukuyang naka-lockdown. Tuluy-tuloy po ang pamamahagi natin ng food packs at pinagsusumikapan po namin na maibigay at matustusan ang inyong pangangailangan sa kabila ng kinakaharap nating pandemya,” anang gobernador. 

May kabuuang pitong kaso na nag-positibo sa COVID-19 ang naitala ng mga opisyal ng barangay kung saan kagyat na nagpatupad ng lockdown noong Setyembre 4 hanggang Setyembre 19, 2020 habang ang barangay ay kasalukuyang nakapailalim sa enhanced community quarantine.

 Nagpasalamat naman si Punong Barangay Santos M. Villanueva sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at sa “People’s Governor” para sa personal nitong paghahatid ng mga food pack sa kanilang komunidad. 

“Maraming salamat po sa ating Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang pagtugon sa aming pangangailangan dito sa aming barangay lalo na po sa ating gobernador na personal po talaga kaming sinadya para iabot itong mga food pack para sa aming barangay,” ani Villanueva.Nakapagtala naman ang Bulacan ng may kabuuang bilang na 4,181 na gumaling sa COVID-19, 1,640 na aktibong kaso at 99 na namatay mula sa kabuuang bilang na 5,920 confirmed cases as of October 1.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews