74 student-leader sa Zambales nakiisa sa usaping pangkalikasan

Humigit kumulang 74 Youth for Environment in Schools-Organization (YES-O) ng Subic National High School ang lumahok sa unang leg ng Kilos Kabataan para sa Kalikasan virtual youth forum.

Ito ay inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA) katuwang ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Trade and Industry at Department of Education (DepEd).

Hinikayat ni DepEd Zambales Schools Division Office School Governance and Operations Division Education Program Supervisor Ronald Ryan Sion ang mga kalahok na makiisa at makibahagi sa pangangalaga ng kalikasan.

Aniya, kapag napangalaagaan ang kalikasan ay matutugunan nito ang problema sa kahirapan gayundin ang seguridad sa pagkain.

Dagdag pa niya, ang simpleng pagsesegrate o paghihiwalay ng basura, ang pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran, at hindi pagtatapon kung saan-saan ay malaking bagay pagdating sa environmental conservation.

Hindi man aniya ganun kalaki ang magagawa ay mayroon at mayroon itong epekto sa kalikasan at sa susunod pa na henerasyon.

Kabilang sa mga paksang tinalakay sa forum ang Mangrove Forest Ecosystem; Solid Waste Management; at Tackling Plastic Pollution. 

Hangad ng PIA sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kagayang aktibidad na maibahagi at mapataas ang kamalayan sa kahalagahan ng biodiversity at National Greening Program ganun din ay mahikayat ang mga youth organization na bumuo ng mga advocacy program na may kaugnayan sa kapaligiran.

Kaugnay nito, binigyaang diin ni PIA Assistant Regional Director Carlo Lorenzo Datu ang mahalagang papel ng bawat isa sa pangangalaga ng kalikasan. 

Aniya, hindi lamang ang pamahalaan ang may responsibilidad sa pangangalaga ng ating kalikasan kundi tayong lahat na nakatira rito. (CLJD/RGP-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews