8 FAB Enterprises tumanggap ng Safety Seal Certifications

Bumida ang mga FAB Registered Enterprises (FREs) ng Freeport Area of Bataan (FAB) sa katatapos na Safety Seal Awarding Ceremony ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa The Bunker, Balanga City, Bataan Biernes, 16 July 2021, matapos tumanggap ang mga ito ng Safety Seal Certification mula sa nasabing kagawaran.

Personal na iginawad ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III sa Almatech Mfg. Corp., BFD Global Footwear Mfg. Inc, D.I. Dawn Patrol Mfg. Corp., Dong-In Sunbirds Corporation, East-Cam Tech Corp., Essilor Mfg. Phils., Inc., Mitsumi Phils., Inc. at Perpetual Prime Mfg. Inc. ang sertipikasyon bilang pagkilala sa pagtalima ng mga ito sa umiiral na mga panuntunan laban sa COVID-19 ng pamahalaan sa mga patrabahuhan. 

Bukod sa paggawad ng Safety Seal, tumanggap din ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa pangunguna ni AFAB Administrator Emmanuel D. Pineda ng Certificate of Eligibility para sa 10 yunit ng bangka mula sa DOLE.

Ibinida ni Administrator Pineda sa kanyang talumpati ang FAB Registered Enterprise na Rouvia Road Yacht Design & Construction Corp. na siyang bubuo ng 130 yunit ng 25-talampakang bangka na ipinamahagi ng DOLE sa mga lokal na pamahalaan at sa AFAB.

Partikular ding pinasalamatan ni Administrator Pineda ang kalihim at DOLE.

“Salamat kay Sec. Bebot at sa DOLE…tatanggap na tayo ng bangka, magke-create pa tayo ng panibagong local employment dahil mga taga-Bataan ang gagawa nung [ng] mga bangka.”

Kaugnay nito, binigyan ng pagkilala ng AFAB si Sec. Bello dahil sa epektibo niyang pamumuno sa DOLE, sa patuloy nitong pagsuporta, at mahusay na kontribusyon sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa ng Freeport. 

Pinuri naman ng kalihim ang AFAB sa mga nagawa nito upang mapabuti ang kalagayan ng industrial peace sa Freeport. Ani ni Sec. Bello, “Because of AFAB, the major accomplishment of our President in the field of labor and employment is industrial peace.”

Samantala, ibinahagi ni Administrator Pineda ang naging mahalagang papel ng mga locators nito sa naabot ng FAB bilang tanging economic zone sa bansang nagawang magkaroon ng positibong pagpasok ng puhunan sa unang quarter ng taon sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng COVID-19.

“With the hard work and commitment from all the FAB Enterprises, the FAB is the only economic zone in the country that still managed to post positive foreign direct investment inflows in the first quarter of this year.”

Dagdag pa ng Administrador, nanatiling bukas ang FAB sa mga mahahalagang pamumuhunan at proyekto dahil sa aktibong partisipasyon at istriktong pagsunod sa mga health and safety protocols sa mga working places dito.

Sa kanyang panghuling salita, hinikayat ni Administrator Pineda ang lahat at sinabing, “Hangga’t nananatili ang ating pagnanais na maging solusyon sa anumang pagsubok na ating kinakaharap at hangga’t nagtitiwala tayo sa ating mga pinunong patuloy na nagsusumikap, malalagpasan natin ang lahat ng ito. At sa lahat ng ito, magsasama-sama tayong lahat”. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews