8 preso, 3 BJMP personnel positibo sa Covid-19

Nakapagtala ang City Government of San Jose Del Monte (CSJDM) ng 119 cases ng Coronavirus (Covid-19) disease kabilang dito ang walong preso o Persons Deprived of Liberty (PDL) at tatlong kawani ng CSJDM Bureau  of Jail Management and Penology  (BJMP) kung saan ang nasabing lungsod ang siyang mayroong pinakamataas na bilang ng kaso sa buong lalawigan ng Bulacan.

Dahil dito, binisita ni Governor Daniel Fernando ang nasabing lungsod at nagsagawa ng emergency meeting nitong Lunes ng umaga kasama ang mga local officials at health officers ng lokal na pamahalaang lungsod ng SJDM upang tugunan ang tumataas na bilang ng covid cases sa nasabing lugar at nangakong tutulong dito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Nangako si Fernando na makikipagtulungan ang provincial government sa city government ng SJDM upang mapababa ang coronavirus cases hanggang sa ito ay tuluyan nang mapuksa sa pamamagitan ng isolation sa mga pasyente at close contacts sa mga positive individuals.

Sa isinagawang assessment ng coronavirus disease situation sa lungsod, binigyan-diin ng gobernador ang kahalagahan ng koordinasyon at pagbabantay upang maiwasan ang pagkalat ng naturang infectious disease.

“Lahat naman tayo apektado, pero dito sa Bulacan, kayo kasi ang pinakamalapit sa epicenter ng virus kaya naiintindihan natin na tumataas ang kaso ng nagpopositibo. Kailangan nating magtulungan, palakasin ang coordination at talagang umiwas na sa home quarantine para mas mabantayan natin kahit na mga suspect cases pa lamang, palakasin natin ang ating mga quarantine facility,” Fernando sabi nito kay City Mayor Arthur Robes sa isinagawang briefing program sa City Covered Court kasama ang mga concerned local agencies ng pamahalaang lungsod.

Aminado si Mayor Robesna majority ng kanilang halos 1-million populasyon ay 70% dito ay nagta-trabaho sa Metro Manila, pero hindi nila magawang isailalim sa lockdown dahil sa kasalukuyang estado ng ekonomiya na kanila ring idinadaing.“Concerned kami, natatakot din kami.

Iniisip din namin ang mga pamilya namin kaya nag-iisip kami ng paraan para malabanan ‘tong virus na ‘to. Bagaman binuksan namin ang mga Negosyo, mahigpit kami sa pag-observe ng protocols. We procured swab kits, nakipag-tie up kami sa Red Cross, sa league of mayors at ngayon sa bubuksang private hospital para mas mabilis ang paglabas ng result,” ani Robes.

Hiniling naman ni Dr. Betzaida Banaag, City Health Officer dito na sana ay mapabilis ang release ng swab results upang agad silang makagawa ng contact tracing at ipadala rin ang kumpletong impormasyon ng pasyente.

“Minsan kasi dumadating dito ‘yung list ng nag-positive nauuna pang malaman ng pasyente, nakakahawa na kasi ‘di agad na-quarantine. Minsan bibigyan kami ng list, ilalagay lang barangay, eh sa laki nito at dami ng populasyon napakahirap naming hanapin kaya magre-request sana kami sa mga concerned office na kumpletuhin ang impormasyon,” sabi ni Banaag.Ayon naman kay Dr. Jocelyn Gomez ng Provincial Health Officer, dagdag rin sa dahilan ng pagkalat ng virus ay ang mga kaso mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at Locally Stranded Individuals (LSI).

“Isa pang concern, nakakauwi ang mga OFW sa mga bahay nila ng ‘di natin nalalaman, minsan iko-coordinate in transit na, hours na lang nandito na, nagpasundo na sa mga pamilya nila,” ayon kay Gomez.

Sinabi ni City Information Officer Ronald Soriano na buhat sa 119 registered covid cases, 58 dito ay nakarekober na, 8 ang nasawi habang 53 ang active cases as of Tuesday morning (July 7).

Dagdag pa ni Fernando na habang nasa ilalim ng modified general community quarantine, ang mga entry and exit points palabas at papasok galing sa National Capital Region ay kinakailangang mahigpit na bantayan. Inatasan ng gobernador si Bulacan Police Provincial Office (PPO) director PCol. Lawrence Cajipe na palakasin pa at mahigpit na ipatupad ang “OPLAN SITA” partikular na ang pagsusuot ng face mask at social distancing.

Base sa update record ng Bulacan PHO, sa nakaraang apat na araw mula July 3 to July 7, nakapagtala ang Bulacan ng karagdagang 88 positive covid cases na umabot na sa kabuuang 503 cases kung saan  214 ang  recoveries habang 36 ang namatay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews