80 Tricycle drivers sa Baliwag, nabigyan alternatibong kabuhayan

BALIWAG, Bulacan, Mayo 28 — Nagkaroon ng pansamantalang kabuhayan ang may 80 na tricycle driver sa Baliwag sa pamamagitan ng inilunsad na Bulacan 3-Wheels-On-the-Go program.

Isa itong public-private partnership sa pagitan ng pamahalaang bayan at SM City Baliwag kung saan nagsisilbing tagapag-deliver ng mga binili sa mall sa pamamagitan ng online shopping ang mga lumahok na tricycle drivers.

Pinahintulutan ito ni Mayor Ferdinand Estrella sa layuning maging alternatibong pagkakakitaan habang hindi pa maaring mamasada, na sakay ang tao, ngayong umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine. 

Paliwanag ni SM City Baliwag Corporate Communication Officer Nica Baldeo-Cunan, sinumang taga-Baliwag ay maaring umorder sa pamamagitan ng pagtawag sa numero ng mga restaurants sa nasabing mall. 

Kapag nagkasundo na kung anong klaseng pagkain o produkto ang bibilin, tatawagan naman ang munisipyo upang mai-dispatch ang tricycle na magpi-pick-up at magde-deliver ng mga pinamili. 

Pagdating sa bahay ng bumili, doon babayaran ang halaga ng pinamili at hiwalay na 100 piso para sa delivery fee ng tricycle driver.

Magpapatuloy ito sakaling dumating ang panahon ng General Community Quarantine upang mahikayat ang mas maraming tao na huwag nang lumabas sa kani-kanilang mga tahanan. 

Kasalukuyan namang ipinoproseso ang pagsali ng karagdagang 40 pang mga tricycle driver sa programang ito. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews