LUNGSOD NG MALOLOS — Nakumpleto na ang 100,000 tilapia fingerlings na ipinangako ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR para sa mga naninirahan na Dumagat sa may bahagi ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray.
Ito’y matapos ang pagpapakawala ng may 80,000 tilapia fingerlings noong nakaraang linggo sa pangunguna ng BFAR katuwang ang Army 48th Infantry Battalion o 48th IB, National Commission on Indigenous Peoples at Metropolitan Waterworks and Sewerage System.
Karagdagang isang yunit ng fiberglass boat na may 6.5 horsepower na makina ang ibinigay din ng BFAR bilang suporta sa fishing activities ng mga ito.
Ayon kay Technical Education and Skills Development Authority Provincial Director Jovencio Ferrer, ito’y magbibigay ng pagkakataon sa mga Dumagat na mapataas ang produksyon ng isda, karagdagang kabuhayan at magkaroon ng sapat na pagkain ngayong panagon ng pandemya sa COVID-19.
Ang naturang ayuda ay bilang tugon at suporta ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pamamagitan ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster na matuldukan ang terorismo sa bansa.
Ayon kay 48th IB Commanding officer Lt. Col. Felix Emeterio M. Valdez, ito ang patotoo na hindi totoo ang naglabasan ulat na pinipigilan nila ang livelihood activities ng mga Dumagat.
Anya ang lahat ng ahensya ng pamahalaan kasama ang kasundaluhan ay maigting ang mithiin na mabigyan ng maginhawang pamumuhay ang mga Dumagat at ang lahat ng mga katutubo sa bansa.