LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan – Nakapagtala ng 83 porsyentong compliance rate ang Social Security System o SSS Baliwag Branch.
Ito ay matapos nilang makolekta ang kontribusyon ng karamihan sa 12 delinquent employers na napuntahan nila bilang bahagi ng kampanyang Run After Contributions Evaders o R.A.C.E noong 2022.
Ayon kay SSS Baliwag Acting Branch Head Chelin Lea Nabong, sa 12 delinquent employers, lima ang nakapag-full payment, tatlo ang naaprubahan ang installment plan, at dalawa ang nakapag-partial payment kung saan P2.69 milyon ang naibayad ng mga ito.
Samantala, pinoproseso na ang nasa P9 milyon pang kontribusyon mula sa mga nasabing employers matapos magsumite ng aplikasyon para sa kondonasyon sa ilalim ng Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP.
Sa isa pang edisyon ng R.A.C.E. nitong Mayo 2023, may panibagong P4.06 milyon pang kontribusyon ang target kolektahin ng SSS Baliwag mula sa walong delinquent employers sa mga bayan ng Bustos, Pulilan, Plaridel, at lungsod ng Baliwag.
Nakasalalay dito ang benepisyo ng 86 manggagawa sakaling sila’y manganak, mawalan ng trabaho, magretiro, magkasakit, mabaldado, mamatay at ilibing.
Paliwanag ni Nabong, inisyal lamang ito ng kabuuang 3,319 delinquent employers na target singilin ng P103.9 milyong para sa kontibusyon ng kanilang mga empleyado.
Ibinalita naman ni SSS Pampanga Branch Head Albina Leah Manahan na patuloy na iaalok ng SSS sa mga delinquent employers ang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP para mabayaran nila ang kanilang obligasyon.
Kailangan lamang mapatunayan na ang nasabing mga employers ay hindi nakapagbayad dahil sa epekto ng COVID-19 mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022, sang-ayon sa Circular 2022-021 at 2022-021B.
Sisingilin ng 6% na interes ang mga delinquent employers kung hindi nakakapaghulog ng kontribusyon bago at makalipas ang nasabing petsa.
Walang itinakdang palugit ang SSS para makapag-file sa CPCoDE MRP, ngunit may takdang panahon ang pagbabayad depende sa halaga ng babayaran.
Ang isang delinquent employer ay pwedeng magbayad nang buong halaga sa loob ng 15 araw mula sa pagkaapruba ng SSS sa aplikasyon nito sa CPCoDE MRP.
Maari namang bayaran sa loob ng 12 buwan ang hanggang P100 libong kontribusyon; 18 buwan kung aabot hanggang P500 libo; 24 buwan kung hanggang P2 milyon; 30 buwan kung hanggang P5 milyon; 36 buwan para sa P10 milyon; 42 buwan hanggang P20 milyon; at 48 buwan para sa halagang higit sa P20 milyon. (MJSC/SFV-PIA 3)