Tumanggap ng perang insentibo at mga regalo ang may 89 na sentenaryong Bulakenyo sa ginanap na Pagkilala at Pagpapahalaga sa mga Sentenaryong Bulakenyo at Pagdiriwang ng Linggo ng Katatandang Pilipino sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa LUngsod ng Malolos kamakailan.
May temang “Healthy and Productive Aging Starts with Me”, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na isinasagawa ito hindi bilang isang obligasyon kundi dahil kinikilala ng lalawigan ang mga sakripisyo ng mga sentenaryo.
Tumanggap ng tig-P10,000 bawat isang sentenaryo, sertipiko ng pagkilala at bag ng regalo na sinamahan ng kani-kanilang mga kapamilya.
“Kayo po ang aming inspirasyon, ang inyo pong buhay, mga aral ang nagsisilbing gabay namin upang mamuhay ng matiwasay. Kayo po ang nagpapaalala sa amin ng tunay na kahulugan ng buhay,” ani Fernando.
Pinasalamatan din ni Fernando sa mga kaanak ng mga sentenaryo dahil sa walang sawang pag-aalaga sa kanilang mga nakatatanda.
“Salamat po sa pag-aalagang ibinibigay ninyo sa kanila. Marami sa atin ay magiging magulang din at alam natin ang halaga ng ating mga magulang at ng may kasamang magulang,” aniya.
Sinabi naman ni Corazon Tañalas, 101 taong gulang mula sa Calumpit, na siya’y nasisiyahan na maging bahagi ng nasabing okasyon.
Samantala, ibinahagi naman ni Susan Hernandez, pinuno ng Social Pension, DSWD RO3 na kinatawan ni DSWD Regional Director Marites Maristela, ang RA 10868 o Centenarian Act of 2016 na nagbibigay sa mga sentenaryo ng letter of felicitation, P100,000 perang insentibo at Posthumous plaque of recognition para sa mga namayapang sentenaryo na nagkabisa simula noong Hulyo 15, 2016.
Bukod dito, sinabi din ni Rowena Joson-Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office na nagsimulang mamahagi ng perang insentibo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga Bulakenyong may edad 100 taong gulang pataas simula pa noong 2014.