BULACAN–Naniniwala si Governor Daniel Fernando na malaki ang naitulong ng “Suob” therapy treatment sa 9 na jail guards at 18 inmates ng Bulacan Provincial Jail sa agaran niling pag-galing mula sa coronavirus o COVID-19.
Nabatid na ang “Suob” therapy ay isang tradisyon mula sa mga Filipino ancestors na isang paraan ng panggagamot sa kanilang mga sarili gamit ang isang kumot na nakataklob sa buong katawan habang sinisinghot ang usok mula sa pinakulong tubig na nakalagay sa timba o palanggana na mayroong asin kung saan sa modernong termino ay hinalintulad sa “nebulizer.”
“It was an alternative treatment I believe our inmates and jail guards in the provincial jail have done to help them to recover,” ani Fernando.
Nabatid na nitong nakaraang July 17 ay 18 mula sa 21 inmates o Persons Deprive of Liberty (PDL) at 3 naman mula sa 13 jail guards ay nagpositibo sa Covid-19 matapos sumailalim sa swab test.
Ayon kay Ret. Col. Ferdinand Villanueva, head ng Provincial Civil Security and Jail Management Office, ang 18 Covid positive inmates ay inilagay sa separate detention cell bilang quarantine facility habang ang mga jail guards ay dinala sa Bulacan Local Governance Center quarantine facility kung saan ang mga ito ay ginamot.
Dagdag pa ng opisyal na nitong July 23 ay isinailalim rin sa swab test ang 37 pang mga jail guards makaraang makakitaan ng mga sintomas gaya ng lagnat at pag-ubo.
Anim sa mga ito ay nagpositibo sa naturang infectious disease kung saan sila ay sa tower deck ng provincial jail na ginawang quarantine facility mananatili para gamutin habang ang 31 na kasama nito na negatibo sa virus ay pinag-home quarantine sa loob ng 14 na araw.
Sinabihan ni Gov. Fernando si Col. Villanueva na paggamitin ng “suob” therapy method ang mga ito na isa rin aniyang mabisang paraan sa pagpapagaling ng sakit tulad ng covid.
Ayon kay Fernando, matapos ang 4-5 days ng paggamit ng suob therapy, ang mga nabanggit na jail guards gayundin ang mga inmates na nagpositibo nung una ay pawang aymptomatic na at malalakas.
Negatibo na rin sa isinagawang rapid test ang mga ito nitong Agosto 1, ayon sa report.
Idinagdag pa ni Villanueva na bagamat negatibo na ang mga ito sa isinagawang rapid test ay isasailalim pa ulet ang mga ito sa pangalawang rapid test na isasagawa sa darating na Agosto 7 upang matiyak na ligtas na nga at fully recovered ang mga ito.
Hinikayat din ni Fernando ang lahat ng mga covid patient partikular na ang mga naka-home quarantine na asymptomatic na gamiting paraan ang suob therapy bilang karagdagang paraan ng pagpapagaling sa sakit na covid.
“In my own observation and experience, very effective itong paraan and even in other countries.. some of covid patients there ay ginagawa na rin nila yan, talagang nakakatulong to prevent at magpagaling,” ayon sa gobernador.