90% ng mga nagkaroon ng COVID-19 sa Bulacan, magaling na

90 porsyento ng mga nagkaCOVID sa Bulacan ay magaling na.

Iyan ang iniulat ni Gobernador Daniel Fernando sa ginanap na pulong ng Provincial Task Force o PTF on COVID-19

Nagsisimula na aniya ang magandang resulta ng ibinalangkas Surge Capacity Plan kung saan ginawang ekslusibo ang Bulacan Medical Center o BMC at Bulacan Infection Control Center o BICC para lamang sa mga may COVID-19.

Inilahad ni PTF Response and Vaccine Cluster Head Hjordis Marushka Celis na 

natamo ang 54% na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan mula Abril 25 hanggang Mayo 7 na katumbas ng 2,095 na kaso. 

Mas mababa ito kumpara noong Abril 11 hanggang 24 na nasa 4,410. Naitala naman na 122 ang nagpositibo sa petsang Mayo 8 hanggang 14.

Katunayan, hindi umaapaw ang BMC at ang BICC sa mga pasyenteng may COVID-19. 

Sa 1,409 na kapasidad ng nasabing mga pasilidad, 146 lamang na mga kama ang may naka-confine habang ang 30 Intensive Care Units ang nagsisilbi sa mga pasyenteng nakakaranas ng severe COVID-19.

Para kay Fernando, malaking pagbangon na ito para sa Bulacan mula sa dating nagtataasang kaso na naitala noong Pebrero 14 hanggang 27. 

Umabot sa 218% ang pagsipa ng kaso sa nasabing panahon na naging 130% noong Pebrero 28 hanggang Marso 13. 

Ngunit hindi aniya ito nangangahulugan na dapat maging kampante ang lahat kundi lalo pang dapat paigtingin ang pag-iingat.  

Kaugnay nito, patuloy na mababa ang positivity rate sa mas pinaigting na testing capacity ng magkasanib na pwersa ng Bulacan Molecular Laboratory at mga GeneXpert machines. 

Sa 100,913 na mga indibidwal na nagpa- testing, 98,956 ang isinailalim sa RT-CR kung saan nasa 19% lamang ang nagpositibo na katumbas ng 18,710 na mga indibidwal. 

Sa 1,957 na nagpa-antigen test, 39% lamang ang nagpositibo o 772 na katao.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews