
Sinuspindi na ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang provincial jail warden kaugnay ng kontrobersiyal na paglabas-pasok ng naarestong dalawang person deprive of liberty (PDL).
Ayon kay Fernando, nabigyan sila ng clearance ng Commission on Election (COMELEC) noong April 22 at agad na ipinataw ang preventive suspension kay Retired Police Colonel Rizalino Andaya, Bulacan Provincial Jail Warden nitong April 24.
Ang hakbang ay kaugnay ng pagkakaaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Bulacan Field Office sa dalawang preso na nakalalayang maglabas-pasok sa Bulacan Provincial Jail.
Sinabi ng gobernador na kabilang din sa pinatawan ng suspension ay ang naarestong jail guard na kasama ng 2 PDL ng araw ng pagkakaaresto.
Dalawa pang empleyado ng provincial jail na di pa pinapangalanan ang dawit din sa suspensyon ayon kay Fernando.
Nabatid na lumipas pa ang ilang araw bago nakagawa ng hakbang ang gobernador dahil hinintay pa nito ang clearance mula sa Comelec dahil bawal umano sa isang nakaupo na kandidato na kumilos sa panahon ng election.
Itinalaga naman ni Fernando bilang Officer-In-Charge ng Provincial Civil Security and Jail Management Office (PCSJMO) si Ret. Police Col. Manuel Lukban Jr, concurrent head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Magugunita na noong Abril 13 bandang alas-5:00 ng hapon sa Barangay Dakila, Malolos City ay nasakote ng Bulacan CIDG ang mga suspek na sina Abdua Arajalon at Mario San Jose, kapwa mga PDL matapos makatanggap ng impormasyon na ang mga ito ay malayang nakalalabas mula sa bulacan Provincial Jail bagamat may mga nakabinbin na kaso.
Si Arajalon ay dati umanong miyembro ng Special Weapon And Tactics (SWAT) at siyang “Mayor” sa Bulacan Provincial Jail na miyembro ng ‘Sputnik Gang’ na nahaharap sa kasong Murder habang si San Jose ang siya namang “Chairman of Barangay 11” sa kanilang selda na nahaharap sa kasong Homicide at miyembro rin ng “Sputnik Gang’.
Arestado rin ang escort jailguard na si Tee Jay Jimenez dahil sa ‘illegally escorting a detainees without court authorization’ at ang asawa ni Arajalon na si Sarah Wahid dahil sa umanoy pakikipagsabwatan at payagan ang mga detainees na makatakas.
Ang apat ay nadakip habang sakay ng isang Toyota Hilux color red at may plakang DBP 4088, narekober din dito ang isang Caliber .45 at isang Glock .9mm.