Mga bagong flights sa Clark, inilahad ng CIAC

SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Inilahad kamakailan ng Clark International Airport Corporation o CIAC ang mga bagong domestic at international flights sa paliparan nito ngayong taon.

Sa katatapos na Clark International Airport o CRK North Philippines Roadshow sa Subic Bay Freeport Zone, sinabi ni CIAC President Alexander Cauguiran na may Clark-Bacolod flights na ang Philippine Airlines o PAL simula Hunyo 22.

Tatlong beses kada linggo ang flight sa naturang lungsod.

Sunsundan naman ito ng paglulunsad ng PAL sa Hunyo 23 ng mga flight papunta sa mga lungsod ng Tagbilaran at Cagayan De Oro.
Pitong beses kada linggo ang magiging flight ng PAL sa Tagbilaran habang apat na beses naman ang sa Cagayan de Oro.

May Clark-Shanghai flights na ang China Eastern Airlines simula ngayong Oktubre.

Paliwanag ni Cauguiran, ang pagkakaroon ng mga karagdagang flights sa CRK ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte na pag-decongest ng mga flights sa Ninoy Aquino International Airport.

Samantala, iniulat din ni Cauguiran na nirerepaso na ng CIAC ang mga bagong air agreements na magbubukas ng mga panibagong flights.

Una na riyan ang bagong flight ng Jetstar mula Clark papuntang Japan.

Muli namang lilipad mula Clark ang Seair patungong Beijing at Shanghai ngayong taon.

Ang magiging sistema ng Seair, lalapag sa Clark mula sa Beijing at lilipad muli patungong Caticlan para ibaba ang mga turistang patungong Boracay.

Ganito rin ang magiging sistema sa mga flight nito mula Shanghai kung saan lalapag sa Clark at lilipad muli patungong Puerto Princesa.

Iba pa rito ang flight na Shanghai-Clark-Coron na lalapag sa Busuanga Airport.

Maging ang PAL ay magkakaroon din ng Shanghai-Clark-Caticlan flights ngayong taon.

Maglulunsad naman ng mga bagong flights mula sa Clark ang AirAsia patungong Bangkok, Kuala Lumpur, at Taipei.

Target ding makalipad ng PAL mula Clark patungong Los Angeles sa kauna-unahang pagkakataon bago matapos ang taon. –Shane F. Velasco

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews