Grupo ng mga artist, namahagi ng libreng kasanayan sa mga kabataan sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Libreng namahagi ng kasanayang pangsining ang grupong Guild for Upholding and Harnessing Indispensable Talents o GUHIT Pinas -Nueva Ecija sa mga kabataang may hilig sa paggawa ng obra.

Ayon kay GUHIT Pinas Nueva Ecija Chapter President Jude Klarence Pangilinan, layunin ng grupo na magbigay gabay sa mga kabataang nais matutong gumuhit o magpinta upang habang nasa musmos na edad ay kanilang mapatibay ang pang-unawa’t kakayahan sa iba’t ibang larangan ng sining.

Kaugnay nito ay idinaos ng samahan nitong nakaraang linggo ang iba’t ibang pagtuturo o workshop na nakaangkla sa ipinagdiriwang na Buwan ng Wika ngayong Agosto na pagpapakita ng kahalagahan ng wikang katutubo mula sa paglikha ng obra at pagpapakita ng angking talento ng mga kabataang Nobo Esihano.

Ayon pa kay Pangilinan, nakapaloob sa naturang aktibidad ang mga pangunahing kaalaman sa basic photography, surreal abstract expressionism, graphic design, art workshop gayundin ay nagkaroon ng poster making contest na nilahukan ng nasa 100 kabataan.

Dito ay naging katuwang ng asosasyon ang mga pribadong kumpanaya gaya ng Dong-A Philippines, Jollibee Corporation, Heartworks Digital Photography, Rotary Club, at SM City Cabanatuan.

Pahayag pa ni Pangilinan, sa kasalukuyan ay aabot na ng 200 ang aktibong kasapi ng samahan sa lalawigan na nananatiling bukas sa pagtanggap ng mga bagong miyembro sa pamamagitan ng pag-ugnay sa Facebook Group Page na GUHIT Pinas. –Camille C. Nagaño

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews