LUNGSOD NG CABANATUAN –– Nasa 29 na mga Micro Small and Medium Enterprises o MSMEs mula sa lalawigan ang inaasahang lalahok sa isang- linggong trade fair na idaraos sa isa sa pinakamalaking pasyalan sa lalawigan.
Katuwang ang SM City Cabanatuan, Nueva Ecija Micro Small and Medium Enterprises Development Council o NESMEDC at ng pamahalaang panlalawigan ay ilulunsad ang naturang aktibidad kaalinsunod sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Unang Sigaw.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija Business Development Division Chief Richard Simangan, ang programa ay aangkla sa temang “Taas Noo, Novo Ecijano Trade Fair: Ipinagmamalaki Ko, Produktong Novo Ecijano” na layong patuloy pang makilala ng mga kababayan ang mga sariling gawang produktong maipagmamalaking mula sa lalawigan.
Ang lahat ay inaanyayahang saksihan, tikman at tangkilikin ang mga itatanghal na produktong lokal na bubuksan sa darating nang ika-25 ng Agosto dakong alas-tres ng hapon sa Main Atrium ng SM City Cabanatuan na magtatagal hanggang sa katapusan ng naturang buwan.
Inaasahang dadalo sa nabanggit na paglulunsad ng aktibidad ang mga opisyales at tagapamuno ng iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsiya gayundin mga ahensiya ng gobyerno, mga kasapi ng NESMEDC, mga guro, mag-aaral, media at iba pa.
Samantala, base sa talaan ng DTI ay aabot ng humigit anim na milyong piso ang naging kita o benta ng mga nasasakupang lokal na prodyuser nito lamang kalahati ng taon mula sa pagsali sa iba’t ibang trade fair na pinangangasiwaan ng tanggapan sa loob o labas man ng lalawigan. –Camille C. Nagaño