LUNGSOD NG MALOLOS — Mananagot ang kontratistang gumawa sa pumalpak na concrete reblocking sa kahabaan ng Daang Maharlika partikular na sa bahagi ng Baliwag.
Iyan ang tiniyak ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa isang panayam sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Radial Road 10 section ng NLEX-Harbor Link Project.
Noong nakaraang taong lang sinimulan ang concrete reblocking sa bahaging ito ng Daang Maharlika ngunit makalipas ng dalawang buwan mula nang matapos at muling padaanan ay nagkabasag-basag at nadurog ang maraming bahagi ng bagong sementong daan.
Ang concrete reblocking ay ipinakilala noong 2003 bilang epektibo at pinakamabilis na paraan ng pagkukumpuni sa partikular na sira ng isang lansangan.
Ang sistema, tutukuyin kung saang bahagi ng kalsada may biyak, butas o sira at ang bahaging iyon ay tuluyan nang sisirain at dudurugin.
Aalisin ang dinurog na semento at papalitan ng bagong konkretong buhos na semento.
Ito ang ipinalit sa dating sistema ng pagtatagpi lamang ng aspalto kung saan may butas, biyak o sira.
Kaugnay nito, bagamat pumalpak ang concrete reblocking sa bahagi ng Baliwag, matino naman ang pagkakagawa sa bahagi ng mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso, San Miguel at ang gawi ng Tabang hanggang Sta. Rita, Guiguinto.
Bukod sa concrete reblocking, nilaparan pa ang Daang Maharlika mula sa dating dalawang linyang salubungan sa bagong gawang apat na linya mula sa Tabang, Guiguinto hanggang sa bayan ng San Ildefonso.
Malapad na rin ang pinakamasikip na bahagi sa mga bayan ng Plaridel at Pulilan. (CLJD/SFV-PIA 3) –Shane F. Velasco