P8B puhunan ng mga Bulacan investors lumikha ng mahigit 22,000 trabaho

MALOLOS — Sinalubong ng Bulacan ang kanyang ika-439 taon ng kanyang pagkakatatag bilang lalawigan na may bagong pamumuhunang umaabot sa halagang 8 bilyong piso.

Ayon kay Department of Trade and Industry Provincial Director Zorina Aldana, kalagitnaan pa lamang ng 2017 ay lalong sumigla ang negosyo sa lalawigan dahil sa pagbubukas ng mga bagong negosyong dala ng mga dumating na puhunan.

Mula Enero hanggang Hulyo 31, 2017, naitala ang 7.8 bilyong piso ang ibinuhos na puhunan ng iba’t ibang malalaking industriya sa lalawigan habang 241.4 milyong piso ang mga nagbukas na bagong rehistrong micro, small and medium enterprises o MSMEs.

Lumikha ng may 22,821 mga bagong trabaho sa mga Bulakenyo ang pagdagsa ng mga bagong puhunang ito.

Pinakamalaki rito ang pamumuhunan ng mga kompanyang may negosyong bakal, machine shop, fabricators, manufacturing, furniture at iba pang kaugnay nito na umaabot sa 335.3 milyong piso.

Malakas ang kalakalan sa halagang 20.2 milyong piso partikular na ang mga produktong itinitinda sa mga groceries, hardwares, school supplies, mga botika, auto supplies at iba pang kalakal ng mga hilaw na materyales.

Masigla naman ang sektor ng mga nagbibigay ng sari-saring serbisyo na nakapagtala ng 14.9 milyong piso.

Unang-una rito ang pagbubukas ng mga bagong kainan at kapihan sa lalawigan, mga catering, bakeshops, mga bagong computer-internet at printing shops, talyer, carwash, mga salon at spa, mga bagong klinika, masahehan at iba pang serbisyong nagbibigay kontribusyon sa Gross Domestic Product.

Kasabay ng lalong pagsigla ng sektor ng serbisyo ang patuloy na pag-unlad ng sektor ng pagkain na nagkakahalaga ng 8.9 milyong piso.

Nangunguna sa mga kumita nang malaki ang mga nasa processed foods gaya ng processed meat, mga gumagawa ng cake at iba pang klase ng tinapay pati na ang mga may gawaan ng Ice Cream.

Kumikita na rin ang mga nagtitinda ng iba’t ibang produktong may Mushrooms o kinakain na Kabute, noodles gaya ng Bihon, mga cereals at pastries.

Tinatangkilik na rin ng mga Bulakenyo mga produktong organiko kaya’t tumaas ang namumuhunan dito gaya ng mga Herbal. Nagdagdagan din ang mga nagtitinda ng sari-saring pampalasa partikular na ang Bagoong.

Ang Bulacan, bilang MSMEs capital ng Gitnang Luzon, ay hindi nawawala sa litahan ang pagsulong ng industriya ng bag, mga ready-to-wear na damit, tela, under wears, iba’t ibang uri ng apparels, bovver shorts, medyas, tsinelas, yuniporme sa paaralan at ang pamosong mga Barong Tagalog at gowns na umaabot sa P8.1 milyon ang halaga ng produksyon.

Sumasabay sa pag-unlad ng mga industriyang ito sa Bulacan ang mga produkto ng mga magsasakang benepisyaryo ng reporma sa lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform o CARPer.

Mayroon din silang mga produktong prinosesong pagkain na ang mga sangkap ay mula rin sa kanilang mga ani mula sa gulay, karne at isda. Kasama rin ang produktong Kape na isinapakete upang mailuwas sa mas malaking merkado, mga de-latang Mushrooms, mga pinatuyong Mangga, Pinya at iba’t ibang uri ng Tinapa na nakapakete.

Nasa 4.6 milyong pisong puhunan ang pumasok mula sa sektor ng CARPer at iba pa rito ang 1.6 milyong pisong ipinuhunan ng mga agri-entrepneur.

Nakapagbigay naman ng 2.2 milyong pisong dagdag puhunan ang mga nasa handicraft sa Bulacan, mga gumagawa ng muwebles o furniture, mga nagbuburda at upholstery, bed linens at mga Bamboo craft. –Shane Frias Velasco

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews