Shared Service Facilities ng DTI, nagpalakas sa Bulacan MSMEs

LUNGSOD NG MALOLOS — Lumakas ang produksyon at kita ng mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan na nakinabang sa Shared Service Facilities o SSF na ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry o DTI na umaabot na sa 21.5 milyong piso.

Ayon kay DTI Provincial Director Zorina Aldana, patunay dito ang paglawak ng merkadong pinagdadalahan na ngayon ng mga produktong likha ng mga MSMEs sa Bulacan.

Sa unang distrito ng lalawigan, tumanggap ng planetary mixer at steam gas machine ang paggawa ng Kropek na pag-aari ng San Francisco Multi-Purpose Cooperative o MPC sa bayan ng Bulakan na nagkakahalaga ng 487,216 piso.

Dalawang beses nang nakalahok sa taunang Bulacan Food Fair and Exposition ang gumagawa ng Kropek na nagbukas ng pinto upang makilala sa merkado sa labas ng Bulacan.

Samantala, ang mga produktong Water Hyacinth ng San Miguel Waterlily Producers Association ng Calumpit at nakatanggap ng 220 libong pisong halaga ng SSF at napayagan na itong lumahok sa Singkaban Trade Fair noong 2016.

Dahil din sa SSF, hindi na lamang sa dyaryo nakabalot ang Tinapang Bangus ng San Isidro MPC, sa tulong ng 335,000 piso ay nagkaroon ng mga kasangkapan upang maipakete ang nasabing tinapa.

Humaba rin ang shelf-life o hindi kaagad nabubulok ang produkto dahil sa dekalidad na pakete na siyang rekisito upang maipasok sa pambansa at pandaigdigang merkado ang produkto.


Maging ang Bulacan Toll Packaging Service and Toll Packing Center ng Kapitolyo ay nakatanggap din ng 977,840 pisong halaga ng mga SSF.

Lalong naging epektibo ito sa pagbibigay ng serbisyong maisapakete ang mga MSMEs sa Bulacan.

Ang Calumpit na kilalang-kilala sa malinamnam na Longganisang-Bawang, pinagkalooban ng DTI ng 626,700 pisong SSF upang maiangat pa ang antas ng pagsasapakete ng nasabing Longganisa.

Pati na ang gumagawa ng mga pot holder at iba pang telang pambahay na GTH Bulacan Association Inc., mayroon nang 400,000 piso.

Napabilis ang produksiyon nito na dating manu-manong ginagawa.

Maging ang Negosyo Center sa Malolos ay nilagyan din ng isang milyong pisong halaga ng SSF upang makatulong din sa pag-alalay sa mga MSMEs na mangangailangan ng serbisyo.

Ito namang Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad na nasa barangay Ligas sa Malolos, na gumagawa rin ng sari-saring souvenir items, nakatanggap ng 409, 740 pisong SSF.

Sa Bulacan State University kung saan nakabase ang Food and Testing Laboratory ng Department of Science and Technology, nilagyan din ng SSF na nagkakahalaga ng P2.142 milyong piso.

Ito ang pasilidad na nagtitiyak na ang mga produktong iprinosesong pagkain ay ligtas at hindi mabubulok sa mas matagal na panahong maiimbak.

Layunin nito na magkaroon ng kalidad ng pagkaing iprinoseso ayon sa Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of 2013.

Sa Ikalawang Distrito ng Bulacan, ang sikat na gawaan ng Barong Tagalog at Filipiniana na Bagong Barrio MPC sa Pandi ay pinagkalooban ng SSF na tutulong mapabilis ang paggawa ng nasabing kasuotan na mananatiling mataas ang kalidad.

May 370,500 piso rin ang Catacte MPC sa Bustos na gumagawa ng mga iprinosesong karne at 680,000 piso para sa Manatal MPC sa kanila ring iprinosesong karne.

Ganito rin ang pinakinabangan ng mga nasa sektor ng iprinosesong karne sa Catmon MPC na 825,000 piso at Samahang Pangkabuhayan ng Santa Maria MPC na 510,000 piso ang nakuhang SSF.

Nakinabang naman ang mga magsasaka sa SSF ng DTI partikular na ang mga magugulay ng Plaridel.

Nakatanggap ng 454,400 piso ang SSF ang naipagkaloob sa Plaridel Vegetable Growers Multipurpose Cooperative.

Nabiyayaan din ng katulad na SSF ang CASECHCOM Multipurpose Cooperative na nagtitinda ng Itlog na Maalat at Coco Jam.

Ang mga kababaihang nag-aani ng Kape sa Donya Remedios sa barangay Kalawakan, nalagyan na ng SSF na nagkakahalaga ng 443,800 piso.

Iba pa riyan ang 370,00 piso para sa Palanas MPC.

Sa San Ildefonso na tinaguriang Vegetable Basket ng Bulacan, nakinabang sa 680,000 piso na SSF ang Umpucan Palay and Vegetable Farmers Producers Cooperatives at 132,000 piso para sa San Ildefonso Doormat Manufacturers Association.

Sa Gawad Kalinga Enchanted Farm sa bayan ng Angat, may gumagawa ng sari-saring Dairy Products, napagkalooban ng 510,000 piso.

May 744,650 piso na SSF ang gawaan ng Yogurt at Milk Products na Sta. Maria Dairy Farmers MPC sa bayan ng Santa Maria.

Ang isa ring gumagawa ng mga produktong Dairy sa San Jose Del Monte Savings and Credit Cooperative ay nakakuha ng 454,850 pisong SSF.

Umabot naman sa 1.5 milyong piso ang Bulacan Dairy Multipurpose Cooperative na isang malaking gawaan ng mga proudktong gawa mula sa Gatas. (CLJD/SFV-PIA 3) Shane F. Velasco

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews