SAN MIGUEL, Bulacan — Hihikatayin ng Armed Forces of the Philippines o AFP, sa pamamagitan ng Department of National Defense, ang kapwa bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN na magtatag ng isang Stand-by Regional Force laban sa terorismo.
Iyan ang gustong maisama ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año sa listahan ng mga pag-uusapan sa nalalapit na ASEAN Defense Ministers’ Meeting na gaganapin sa Clark Freeport Zone ngayong buwan.
Sa isang panayam sa katatapos na paglulunsad ng New AFP/PNP Housing Program na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ipinaliwanag ni Año na bukod sa database sharing laban sa terorismo ay dapat bumuo ang ASEAN ng Stand-by Force against Terrorism na pwedeng simulan sa pagsasagawa ng regular na joint military exercises ng mga kasaping bansa kahalintulad sa Balikatan.
Dagdag pa niya na may Common-Sea Interest ang mga bansang kasapi ng ASEAN partikular ang Pilipinas, Indonesia, at Malaysia kaya dapat magtulungan sa pagbabantay.
Noong Mayo 2002, lumagda sa isang Trilateral Agreement against Terrorism and Transnational Crime ang mga bansang Pilipinas, Malaysia at Indonesia sa Kuala Lumpur. (CLJD/SFV-PIA 3)Shane F.Velasco