CAMP TECSON, San Miguel, Bulacan — Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Department of National Defense o DND ang pagbili ng may 23 bagong helicopters para sa militar.
Sa kanyang talumpati sa ika-67 anibersaryo ng First Scout Ranger Regiment, sinabi niya na kailangang mabili at magamit agad ito para sa paglaban sa insurehensiya ngayong pormal nang pinawalang bisa ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Sa kasalukuyan, walo ang bagong attack helicopters ng militar na modelong AW-109 na binili sa AgustaWestland ng Italy noong 2015.
Iba pa rito ang may 25 mga MG-520 attack helicopters na dekada 70 pa nabili sa United States.
Matatandaan na sa pangalawang pagbisita ng Pangulo sa Camp Tecson nitong Oktubre ay inanunsyo ni DND Secretary Delfin Lorenzana na ipapasubasta na ang kontrata para sa pagbili ng mga karagdagang bagong 16 na Bell 412 Helicopters.
Ito ay sa ilalim ng government-to-government agreement sa pagitan ng Pilipinas at Canada. (CLJD/SFV-PIA 3)