LUNGSOD NG MALOLOS — Pinaigting ng Bulacan Provincial Veterinary Office ang paglaban kontra rabies sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng bakuna sa mga aso at pusa sa buong probinsiya.
Simula kahapon hanggang sa Abril 20 ay nakatakda ang pagbibigay ng bakuna sa mga alagang hayop sa mga bayan ng Pandi at Balagtas.
Nagpalabas din ng kautusan si Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado sa mga nasasakupang bayan at lungsod na magkaroon ng kanya-kanyang municipal o city dog pounds upang maging tahanan ng mga gala, nawawala, at abandonandong hayop.
Ayon kay Provincial Veterinarian Voltaire Basinang, nasa pang siyam na puwesto na mula sa dating pang pitong puwesto ang Bulacan sa listahan ng mga lalawigan na may pinakamataas na kaso ng mga nakagat ng hayop sa buong bansa.
Ipinakita rin sa tala na 25 na mga aso ang nagpositibong may rabis noong nakaraang taon habang walo na sa unang tatlong buwan pa lamang ng 2018.
Bukod dito, lima ang naitalang namatay na tao noong 2017 habang anim na ngayong 2018.
Kaugnay nito, ibinibigay na ng libre sa Bulacan Medical Center ang unang dalawang bakuna laban sa rabis na tinatawag na post-exposure prophylaxis para sa mga taong nakagat o nakalmot ng hayop.