Katulad ng isang masaganang produksyon mula sa agrikultura, umani ng karagdagang tagumpay ang karangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang Rice Achievers Awards sa sektor ng agrikultura kasabay ng matagumpay na ani ng mga magsasaka sa taong ito bunga ng proyektong “Big Rice Farm” ng lokal na pamahalaan ng Bulacan.
Pinangunahan nina Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado, kasama sina SL Agritech Corporation CEO Henry Lim Bon Liong at Punong Bayan ng Plaridel Jocell Vistan Casaje, Biyernes ng umaga ang seremonyal na pag-aani sa 50 ektarya sa Culianin, Plaridel na bahagi ng 250 ektaryang proyekto na Big Rice Farm sa lalawigan.
Binigyan ng nasabing proyekto, na pinondohan ng perang papremyo na tinanggap ng lalawigan bilang isa sa mga natatanging lalawigan sa 2016 Rice Achievers Awards, ang mga magsasaka mula sa mga bayan ng Balagtas, Bustos, Plaridel, San Ildefonso at San Rafael ng hybrid rice seed upang kanila mismong makita ang mga benepisyo nito na magpapataas sa kanilang ani at kita.
Pinayuhan ni Alvarado ang mga magsasaka na sumabay sa makabagong teknolohiya ng pagtatanim na bunga ng pagsasaliksik na tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa kanila.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan, unti-unti nating mabibigyan ng kaalaman at kalayaan ang ating mga magsasaka na mapaunlad ang kanilang pag-aani, at tayo naman po ay tiyak na aani rin sa ating pagtutulungan na iyan dahil tayo po ang makikinabang sa itinatanim ng ating mga magsasaka,” ani Alvarado.
Gayundin, ibinida ni SL Agritech’s Senior Technical and Promotion Consultant Dr. Frisco Malabanan ang paggamit ng hybrid rice sa mga magsasaka at sinabi na madodoble nito ang kanilang ani.
“Ang atin pong mga hybrid rice, makasisigurado ang ating mga magsasaka na matatag sa drought, matatag sa baha at matatag sa peste at sakit ng palay kaya sigurado ang kanilang ani,” ani Dr. Malabanan.
Samantala, sinabi ni Panlalawigang Agrikulturista Ma. Gloria SF. Carrillo na inaasahan ng mga magsasaka ang potential yield na 10 tonelada kada ektarya at tatagal ang pag-aani ng proyektong Big Rice Farm hanggang sa unang lingo ng Mayo.
Binubuo ang package ng proyektong Big Rice Farm ng hybrid rice seed, tatlong bags ng commercial fertilizer, crop insurance premium at shallow tube well o open surface pumps. –ELOISA SILVERIO