Mga alkalde sa Bulacan, pinaghahanda ng lupa para sa mga economic zones

LUNGSOD NG MALOLOS — Hinikayat ni Senador Richard Gordon ang 21 mga punong bayan at 3 punong lungsod sa Bulacan na tukuyin at ihanda na ang lupa sa kani-kanilang nasasakupan na maaring pagtayuan ng mga susunod na special economic zones at tourism enterprise zones.

Iyan ang tinuran ng senador sa ginanap na pagdinig sa lungsod ng Malolos tungkol sa nakahaing pagtatatag ng Regional Investment and Infrastructure Corporation o RIIC ng Gitnang Luzon.

Paliwanag ni Gordon na may akda ng naturang panukala sa Senado, ang RIIC ay magiging isang government owned and controlled corporation na manguguna sa pagtatayo ng mga bagong special economic zones at tourism enterprise zones sa rehiyon.

Ito rin ang siyang mangunguna sa pagtatayo ng mga pantalan at paliparan na mag-u-ugnay sa mga naturang zones at magbibigay ng mga fiscal at non-fiscal incentives sa mga mamumuhunan na pwede sa ilalim ng Foreign Investments Law, Omnibus Investments Code, Philippine Economic Zone Act of 1995 at Bases Conversion and Development Act of 1992.

Ito ay may 19 na miyembro na binubuo ng mga Chairpersons ng Bases Conversion and Development Authority, Subic Bay Metropolitan Authority, Clark Development Corporation, Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority at Authority of the Freeport Area of Bataan.

Bahagi din nito ang mga Gobernador ng pitong lalawigan ng rehiyon, Chairperson ng Metro Manila Development Authority, Director-General ng Philippine Economic Zone Authority, Chief Operating Officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority at apat mula sa pribadong sektor na itatalaga ng Pangulo. Ang Chairperson ng RIIC ay magmumula sa mga miyembro nito.

Upang matiyak na maipapasa ang Senate Bill 1325 ni Gordon bago matapos ang Ika-17 na Kongreso, may House Bill 7139 na iniakda ni Kinatawan Lorna C. Silverio ng Ikatlong Distrito ng Bulacan.

Partikular na tinukoy na ikabit ang mga planong karagdagang zones malapit sa mga gumagana at itatayo pang mga imprastraktura sa rehiyon mula sa riles, mga bagong daan at mga paliparan, gayundin sa mga pantalan.

Iginagayak naman ni Kinatawan Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan ang kanyang panukalang batas na magrerepaso sa Land Use Plan ng Gitnang Luzon.

Ito’y upang meseguro na angkop na pag-uuri ng lupa ang mangyari, kung aling lupa ang dapat na maging industrial zone, economic zone, commercial zone, transport hub at saan ang dapat na maging mga residential area. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews