LUNGSOD NG MALOLOS — Magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga student loans, grants-in-aid at iba pang tulong pang-edukasyon kahit pa libre na ang matrikula at miselenyo sa mga state universities and colleges o SUCs at local universities and colleges o LUCs.
Sa katatapos na Information Caravan sa Gitnang Luzon patungkol sa RA 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, sinabi ni Commission on Higher Education Officer-In-Charge Prospero De Vera na importante ang mga ito dahil makakatulong sila sa pagbili ng mga libro at iba pang kagamitang kailangan sa kursong kinukuha at maging sa gastusin sa thesis, internship at iba pang proyekto.
Makakatulong din ang iba’t ibang student financial assistance sa mga mag-aaral na hindi makakapasa sa irerepormang admission test ng mga SUCs at LUCs.
Iba pa rito ang pag-ayuda sa mga mahihirap pero matatalino na nag-aaral sa mga pribadong paaralan.
Kabilang sa mga SUCs sa Gitnang Luzon na libre na ang matrikula at misilenyo ang Aurora State College of Technology, Bataan Peninsula State University, Bulacan State University, Bulacan Agricultural State College, Central Luzon State University, Nueva Ecija University of Science and Technology, Don Honorio Ventura Technological State University, Pampanga State Agricultural University, Tarlac State University, Tarlac Agricultural University, President Ramon Magsaysay State University (dating Ramon Magsaysay Technological University) at Philippine Merchant Marine Academy.
Ang mga LUCs naman o yung pinapatakbo ng mga lokal na pamahalaan na saklaw nito ay ang Mabalacat City College, Baliuag Polytechnic College, Bulacan Polytechnic College, City College of Angeles, City College of San Fernando (Pampanga), Eduardo L. Joson Memorial College at Guagua Community College.