DPWH sa Bulacan nagsagawa ng earthquake drill

SUMAILALIM at nakiisa sa isinagawang earthquake drill (duck, cover & hold drill) ang mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office na pinangunahan ng kanilang District Engineer na si Engr. Ruel V. Angeles sa kanilang tanggapan sa Lungsod ng Malolos kamakailan.

Layunin nito na sukatin ang kaalaman at kakayahan nang mga kawani ng naturang ahensiya ng gobyerno para sa anumang uri ng kalamidad lalo na sa mga lindol at sunog.

Sa nasabing earthquake drill ay isang malakas na pagtunog ng sirena ang narinig bilang hudyat ng kunwaring paglindol kung saan isa-isang nagsilabasan sa gusali ang mga empleyado patungo sa mas ligtas na lugar o sa common evacuation assembly point.

Ayon kay DE Angeles, ang naturang drill ay mula sa atas ni DPWH Sec. Mark Villar upang maging handa at magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga kawani sakaling magkaroon ng kalamidad.

Dagdag pa nito na ito ang tamang panahon para magsagawa ng mga pagsasanay para maligtas kung sakaling duma­ting ang kinatatakutang ‘‘The Big One’’o magnitude 7.2 na lindol.

“Dapat ay lagi tayong nakahanda at may sapat na kaalaman kung sakaling may sakuna o kalamidad na darating tulad ng lindol at sunog,’’ani pa DE Angeles.

Binigyan din ng tamang pagpapaliwanag ang mga empleyado ng naturang ahensiya kung ano ang mga dapat gawin kapag may malakas na lindol o sunog na nagaganap katuwang ang Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

Bago makabalik sa mga tanggapan ang mga empleyado matapos ang kunwaring lindol ay nagkaroon muna ng pagsusuri at assessment sa mga gusali kung ligtas na balikan ang naturang mga tanggapan.

Pinasalamatan naman ni DE Angeles ang mga empleyadong nakiisa at nakilahok sa nasabing aktibidad. –ERICK SILVERIO

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews