LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Pangungunahan ni Bases Conversion and Development Authority President and Chief Executive Officer Vivencio Dizon ang pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa Pamintuan Mansion o ang Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas.
Ayon kay museum curator Bettina Arriola, magsisimula ito sa isang parada ng pagkakaisa mula sa simbahan ng Angeles patungong Pamintuan Mansion na lalahukan ng mga guro, mag-aaral, boy scouts, kawani ng pamahalaan, pulis, sundalo at mga kinatawan mula sa pribadong sektor.
Susundan ito ng sabayang pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa marker ng mansyon.
Pagkatapos magbigay ng mensahe nina Mayor Edgardo Pamintuan at Dizon, magkakaroon ng pagsasadula ng unang anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas na gagampanan ng Uyat Artista.
Magkakaroon din ng tanging bilang mula sa Sinukwan Kapampangan Center for the Arts at City College of Angeles Tinig Angeleño.
Sa Pamintuan Mansion naganap ang tanging public Independence Day celebration sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo matapos ilipat ng heneral ang kabisera ng kanyang pamahalaan sa Angeles.
Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa taong ito ay may temang Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan.”
Kabilang ito sa pitong pangunahing lugar na pagdadausan ng mga programang pag-alaala.
Ang iba ay ang Museo ni Emilio Aguinaldo sa bayan ng Kawit sa Cavite, Rizal National Monument sa lungsod ng Maynila, Bonifacio National Monument sa lungsod ng Caloocan, Museo ng Katipunan sa lungsod ng San Juan, Museo ng Republika ng 1899 sa lungsod ng Malolos at Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery.