MARIVELES, Bataan — Mas nalapit pa ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng katimugang bahagi ng Bataan sa isinagawang soft opening ng Mariveles District Hospital o MDH.
Ayon kay Gobernador Albert Garcia, ang kalusugan ng publiko ay isa sa kanyang prayoridad na nakasaad sa bisyon ng Bataan na makamit ang mataas na human development index.
Dagdag ni Garcia, hindi na kailangan ng mga mamamayan dito na magbiyahe pa ng higit sa isang oras para lang kumonsulta sa pinakamalapit na ospital sa tuwing may medical emergency dahil bukas na ang MDH.
Kinilala ni Garcia ang pamahalaang bayan ng Mariveles, Department of Health, Authority of the Freeport Area of Bataan, at lokal at internaysonal na samahan sa pagbibigay suporta sa ospital lalo na sa imprastraktura at mga kagamitan.
Kabilang sa mga inisyal na pasilidad ng naturang ospital ang outpatient department, emergency room, pharmacy, basic laboratory, dental at animal bite center.
May serbisyo sa family planning at smoking cessation din ito.
Ayon kay MDH Chief Dr. Hector Santos, nakatakdang maging fully operational ang ospital sa g 2019 na magpapatibay ng iba pang pasilidad at serbisyong pampubliko.
Hinimok ni Santos ang taong-bayan na suportahan ang bagong ospital upang mas lalo pa nitong mapalawak ang serbisyo.
Kabilang sa mga bubukasan sa Phase 2 ang pediatrics, ob-gyn, surgery, blood station at isolation facilities.