SAMAL, Bataan – “Drug-free na ang bayan ng Samal sa pagtatapos ng taong 2018.”
Ito ang paniniyak ng Samal Municipal Police sa pamumuno ni Police Chief Inspector Emil Dela Cruz, hepe ng Samal PNP.
Ani dela Cruz, base sa tala ng PDEA Bataan 50% na o kalahati sa bilang ng mga barangay sa Samal ay naideklara nang drug-free at patuloy ang kanilang pinaigting na kampanya at operasyon kontra ilegal na droga.
Kahapon ay pormal na sinimulan sa bayan ng Samal ang community-based rehabilitation program para sa mga drug reformists o surrenderers.
Pinangunahan ito ni Samal Mayor Gene Dela Fuente, Vice Mayor Aida Macalinao at SB Members, at mga pangunahing opisyal ng PNP kasama ang DILG, PDEA Bataan sa pamumuno ni Marlou Ordoña, mga drug reformists at mga Barangay officials ng naturang bayan.
Layon ng naturang programa na makatuwang ng PNP, LGU, at attached agencies, ang mga barangay officials sa pag rehabilitate ng mga drug reformists sa naturang bayan.
Unang sinimulan ang naturang proyekto sa Balanga City sa inisyatiba ni Balanga Police Chief, Police Supt. Byron Allatog, kung saan naglaan pa ng dalawang milyong piso ang City Government sa ilalim ni City Mayor Francis S. Garcia para sa naturang programa.