3,900 Bulakenyo, nakinabang sa Unconditional Cash Transfer Program ng DSWD

LUNGSOD NG MALOLOS — May 3,900 Bulakenyo mula sa pitong bayan at isang lungsod ang nakinabang sa Unconditional Cash Transfer o UCT ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig 2,400 piso bilang ayuda sa mahihirap na pamilya at indibidwal na maaaring hindi nabebenipisyuhan ng mas mababang income tax ngunit lubhang apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Tinukoy ang 996 benepisyaryo mula sa Hagonoy, 708 mula sa lungsod ng Malolos, 564 mula sa Pulilan, 462 mula sa Calumpit, 380 mula sa Guiguinto, 309 mula sa Plaridel, 244 mula sa Balagtas at 238 mula sa Paombong sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.

Sinabi ni DSWD Acting Secretary Virginia Orogo na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte ang madali at mabilis na pakikipag-transakyon sa bansa kaya ibinigay na nila ang cash grant para sa buong taon o 200 piso kada buwan.

Naniniwala naman si Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na hindi paglilimos ang pagkakaloob ng cash grant sa mga kwalipikadong benipisyaryo bagkus ay pagmamalasakit at pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na mamuhay ng marangal sa ilalim ng konsepto ng katarungang panlipunan.

Idinagdag pa ng Gobernador na may kabuuang 15,900 benepisyaryo ng UCT sa Bulacan at ang natitirang 12,000 na tatanggap ng ayuda ay aabisuhan sa oras na maitakda na ang iskedyul.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews