Pagkakapantay-pantay, patuloy na hiling ng mga katutubo sa Nueva Ecija

Nananatiling panawagan at hiling ng mga katutubo sa Nueva Ecija ay maranasan ng lahat ng mga katutubo hindi lamang sa lalawigan kundi mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagkakaroon ng patas na pagtingin sa lipunan.

Ito ang naging mensahe ni Ginoong Romy Paay, pangulo ng Kalanguya Indigenous Group mula sa bayan ng Carranglan sa naging pagdiriwang ng ikalawang taon ng Padit- Subkal Festival sa lalawigan nitong Lunes, ika-29 ng Oktubre taong kasalukuyan.

Ipinamalas ng mga katutubo mula sa lalawigan ng Nueva Ecija ang mga sayaw at awiting bahagi ng kanilang kultura o tradisyon sa panahon ng mga mahahalagang pagdiriwang. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Aniya, ang mga katutubo ay mga Pilipino din na mayroong sariling pagkakakilanlan, karunungan at katayuan na dapat igalang.

Kaya’t kanilang ikinatutuwang lubos ang mga ganitong gawain o pagdiriwang para sa kanilang sektor na pagpapakita ng paggalang sa kanilang karapatan, kultura, at mga paniniwala.

Iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan ang dumalo at nakiisa sa selebrasyon upang maiparamdam sa mga miyembro ng mga katutubong pangkat sa lalawigan ang kahalagahan ng kanilang katayuan sa pamayanang ginagalawan.

Pahayag pa ni Paay, mahalaga ding maranasan ng sektor ang seguridad sa kanilang mga tahanan at lupaing ikinabubuhay na ayon sa Batas Republika Bilang 8371 o Indigenous Peoples Rights Act ay kanilang karapatang ariin ang titulo ng lupaing simula pa lamang ay sila na ang nangangalaga.

Marami pang mga karapatan ang mga katutubo gaya ang karapatang matuto at makapag-aral upang tulad ng isang ordinaryong mamamayan ay magkaroon ng magandang kinabukasan.

Bida pa ni Paay, bagamat’ maraming pangkat ang mga katutubo at mga pagkaka-iba ay kanila namang ipinagmamalaki ang mga mabubuting ugali na laging pagtutulungan o bayanihan na kanilang pamamaraan sa pagresolba ng mga suliranin.

Gayundin ay kanilang iginagalang at ipinaiiral ang mga batas na kanilang pinaniniwalaan kagaya aniya kung mayroong mga hindi pagkakaunawaan sa komunidad ay kinakailangang agad na maresolba sa pamamagitan ng “tungtungan” o maayos na usapan at kasunduan.

Higit sa lahat ay kanilang ipinagmamalaki ang pangangalaga sa kultura na naipapasa at patuloy na isinabubuhay ng kasalukuyang henerasyon na para sa kanila ay marapat panindigan at kailanman ay hindi dapat talikuran.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews