LUNGSOD NG MALOLOS — Magbubukas na ngayong Enero ang Consular Office ng Department of Foreign Affairs o DFA sa lungsod ng Malolos.
Ayon kay Mayor Christian D. Natividad, isang panibagong oportunidad ito sa maraming mga Bulakenyo na makapag-apply ng pasaporte o makapagrenew nang hindi na kailangan pang lumuwas sa Metro Manila o sumadya sa Pampanga.
Dagdag pa ni Natividad na ang pagkakapwesto ng DFA Consular Office sa 3rdfloor ng Malolos City Central Transport Terminal ay bahagi ng kanyang agenda na simulang tipunin ang mga tanggapan ng mga pamahalaang nasyonal sa sampung ektaryang government center ng lungsod.
Bukod sa naturang terminal, dito din matatagpuan ang Malolos Sports and Convention Center at ang katatapos lamang na bagong Malolos City Hall.
Lumipat na rin sa lupang ito ang Department of Education Division of Malolos, City Police Station at ang bagong pasinayang Malolos City Senior Citizen’s Center.
Ayon kay Officer-In-Charge Jun Ilagan, magsisimula silang tumanggap ng appointment sa Enero 18, 2019.
Bukod sa pagkuha o pag-renew ng passport, bukas din ito sa mga mamamayan na nais humingi ng tulong kung sakaling may problema sa mga kaanak na nasa ibang bansa.