DOJ Sec Guevarra, panauhing pandangal sa Ika-120 anibersaryo ng Unang Republika

LUNGSOD NG MALOLOS — Pangungunahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagdiriwang ng Ika-120 Taong Anibersaryo ng Pagpapasaniya sa Unang Republika ng Pilipinas sa patio ng simbahan ng Barasoain sa Enero 23, Miyerkules.

Ayon kay Museo ng Republika ng 1899 curator Ruel Paguiligan, ito ang unang taon na iiral ang Republic Act 11014 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Abril 5, 2018.

Idineklara sa ipinasang batas, na inakda ni Kinatawan Jose Antonio Sy-Alvarado ng unang distrito ng Bulacan, na ang petsang Enero 23 taun-taon ay pormal nang kinikilala bilang First Philippine Republic Day o Araw ng Unang Republika ng Pilipinas.

Magiging special working holiday ito sa buong bansa habang mananatiling special non-working day sa lalawigan ng Bulacan sa inilabas na Proclamation 651 ni Pangulong Duterte.

Itinatakda rin ng naturang batas na dapat magsagawa ng kani-kanilang programang pang-alaala ang mga pampublikong paaralan na nakapailalim sa Department of Education.

Ayon sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, pinasinayaan ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya noong Enero 23, 1899 sa loob ng simbahan ng Barasoain.

Ito’y sa bisa ng Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos noong Enero 21,1899. Matatandaan na mula nang magbukas ang sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15, 1898, sinimulang ibalangkas ang nasabing Saligang Batas hanggang mapagtibay noong Enero 21, 1899.

Nilalaman nito ang iba’t ibang karapatang sibil at pulitikal na ipagkakaloob sa mga mamamayan ng Pilipinas.

Kabilang dito ang karapatang makaboto o maiboto, makapili ng relihiyon, makapagpahayag ng saloobin, makapag-aral, magkaroon ng ari-arian, makapaglakbay at iba pang mga karapatang umiiral at tinatamasa ng mga Pilipino hanggang ngayon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews