LUNGSOD NG MALOLOS — Tiniyak ng Department of Justice o DOJ na patuloy na magiging kasangkapan ang ahensya na tapusin ang lahat ng anyo ng pang-aalipin at palayain ang mga Pilipino sa lahat ng uri ng pang-aapi.
Iyan ang naging sentro ng mensahe ni Justice Secretary Menardo I. Guevarra nang pangunahan niya ang pambansang pagdiriwang ng Ika-120 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa simbahan ng Barasoain.
Binigyang diin ni Guevarra na bagama’t 120 taon nang Republika ang Pilipinas, nagpapatuloy pa rin ang laban sa mga nanamantala na nagreresulta sa pag-aalipin at pang-aapi.
Ang DOJ aniya ay kumikilos para ipagtanggol ang bayan. Patuloy itong magiging taga-usig sapagkat tungkulin nito na mabigyan ng katarungan ang mga kababayang pinagtataksilan.
Hinalimbawa niya rito ang mga batang nagiging biktima ng trafficking, gumagamit o nagagamit sa iligal na droga at iba pang uri ng iligal na gawain.
Batay sa tala ng National Historical Commission of the Philippines, naitatag ang Republika sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na ibinalangkas at pinagtibay sa simbahan ng Barasoain mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21, 1899.
Ang prinsipyo ng isang Republika ay ang taumbayan ang nagbibigay ng kapangyarihan sa pamahalaan na makapangasiwa habang ang pamahalaan naman, ay siyang nagbibigay ng karapatan sa taumbayan.
Kabilang sa mga ambag ng Republika na tinatamasa ng mga Pilipino hanggang ngayon ay ang mga karapatang sibil at pulitikal gaya ng karapatang makaboto o maiboto, makapag-aral, makapili ng relihion, magkaroon ng ari-arian, makapagpahayag ng saloobin at iba pa. (CLJD/SFV-PIA 3)