NCIP, hinihikayat ang mga katutubo na makibahagi sa Halalan 2019

LUNGSOD NG CABANATUAN — Hinihikayat ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang mga katutubo sa Nueva Ecija na lumahok sa Halalan 2019.

Ayon kay NCIP Provincial Officer Donato Bumacas, karapatan din ng mga katutubo ang pumili ng mga nais iluklok sa pamamahala at lumahok sa eleksyon bilang mga mamamayang Pilipino.

Ito aniya ang tinatalakay ng tanggapan katuwang ang mga Indigenous Peoples Mandatory Representative upang maiangat ang kamalayan ng mga nasasakupan sa kahalagahan ng pagboto.

Kaugnay nito ay pinapayuhan ni Bumacas ang lahat na maging matalino sa pagpili ng mga ihahalal at gawing pamantayan ang mga nagawa, malasakit at adhikain para sa ikabubuti ng sektor.

Dagdag pa niya, mayroon ding sariling kasanayan ang ilang grupo ng mga katutubo sa lalawigan gaya ang pagkakaroon ng kaisahan o iisang pasya sa mga ihahalal na pulitiko sa kanilang lugar na layong isalin at ituro sa iba pang mga grupo ng katutubo.

Panawagan naman ni Bumacas sa mga mauupong tagapamuno ng bawat lokalidad ay isama sa mabibigyang prayoridad ang sektor na nangangailangan din ng higit na agapay at tulong partikular sa kanilang pamumuhay at kalagayan sa komunidad.

Base sa kasalukuyang tala ng NCIP ay nasa 63,000 ang mga rehistradong botanteng katutubo sa buong lalawigan na kung saan ay pinakamarami sa Carranglan, Gabaldon, General Tinio, Rizal at Palayan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews