Bagong gusali ng NE Provincial Hospital, matatapos ngayong 2019

LUNGSOD NG CABANATUAN — Inaasahang matatapos ngayong huling bahagi ng taon ang itinatayong gusali ng Eduardo L. Joson Memorial Hospital o ELJMH.

Sa isang panayam, sinabi ni Provincial Hospital Director Augusto Abeleda Jr na oras matapos ang mga pagawain ay kakayaning tumanggap ng ospital nang nasa 200 pasyenteng kinakailangang i-confine bukod pa ang libreng konsultasyong medikal sa Out Patient Department mula Lunes hanggang Biyernes.

Kaugnay aniya sa pagpapatayo ng bagong gusali ay ang pagdaragdag ng mga bagong pasilidad tulad ang mas malawak na emergency room kasya ang sampung pasyente na mayroong mini-operating at observation room.

Magkakaroon din ng sariling silid para sa mga sakit na madaling maipasa o nakakahawa.

Dagdag ni Abeleda, naka-elevate na ang bagong gusali upang hindi maapektuhan sa mga pagbaha na karaniwang suliranin ng ospital tuwing tag-ulan o bumabagyo dahil sa mababang kinalalagyang lugar.

Ayon sa Provincial Planning and Development Office, aabot sa humigit kumulang 122 milyong piso ang ginugugol sa pagpapatayo ng bagong gusaling pagamutan.

Maliban sa ELJMH ay inaasahang matatapos din ngayong 2019 ang dalawa pang gusaling pagamutang ipinapatayo ng pamahalaang panlalawigan sa mga district hospital ng San Jose at San Antonio.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews