BALANGA CITY – Pinaghahanap na ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang dalawang Indian National na sakay ng isang training Cessna aircraft na biyaheng Plaridel-Subic-Plaridel.
Ayon sa source ng iOrbitNews, pabalik na sana sa Plaridel, Bulacan ang aircraft nang mawalan ito ng contact pagdating sa Santa Rita, Olongapo City.
Huling nakita ang aircraft nitong nagdaang Lunes, pasado alas otso ng umaga. Ang aircraft ay pagaari ng Fliteline Aviation School na nakabase rin sa Bulacan.
Tumanggi naman ang pamunuan ng flight school na magpaunlak ng panayam para umano makatutok muna sa paghahanap. Kinumpirma naman ng flight school na isang student pilot at kaniyang trainer na pawang mga Indiano ng nakasakay sa aircraft.
Sa ngayon ay nasabihan na umano ang pamilya ng mga Indian national. Patuloy naman ang koordinasyon ng Fliteline Aviation School sa mga ahensya ng pamahalaan para sa search and rescue.
Nitong Martes ng gabi ay humingi ng tulong ang mga kaanak sa Bataan Police Provincial Office dahil sa may impormasyon umano sila na maaaring sa bahagi ng Bataan napadpad ang nawawalang eroplano.
Ngayong Mierkoles ay maagang nagtungo sa bahagi ng kabundukan ng Orani at Hermosa ang mga kagawad ng Philippine Air Force, PNP, Metro Bataan Development Authority kasama ang mga kaanak ng mga nawawalang Indiano para sa search and retrieval operation.