LUNGSOD NG MALOLOS — Naglatag ng sari-saring mga alternatibong daan upang mabawasan ang matinding sikip ng daloy ng trapiko sa southbound lane ng North Luzon Expressway o NLEX bunsod ng konstruksyon ng Skyway Stage 3.
Mula Lunes hanggang Sabado, tumutukod hanggang sa Marilao, Bulacan ang haba ng pila ng trapik hanggang sa Balintawak. Ito’y dahil umabot na sa Camachile ang konstruksyon ng rampa ng Skyway Stage 3 na literal na dudugtong sa NLEX.
Sa isang pulong balitaan, inilahad ni NLEX Corporation Chief Operating Officer Raul Ignacio na habang ginagawa ang nasabing imprastraktura ay inaabisuhan nila ang mga motoristang galling Hilaga at Gitnang Luzon na kung papunta sa mga lungsod ng Caloocan at Maynila, mainam na kumanan sa NLEX-Smart Connect Interchange papuntang Karuhatan para makarating sa Monumento.
Maaari rin itong maging alternatibong ruta ng mga papunta sa Pasay o sa Ninoy Aquino International Airport sa pamamagitan ng pagdaan sa NLEX-Smart Connect Interchange na diretso hanggang sa may C-3 na lalabas sa Radial Road 10 hanggang makarating sa Roxas Boulevard.
Para naman sa mga papunta sa mga lungsod ng Quezon, Marikina at Pasig, sa NLEX Smart Connect Interchange pa rin pwedeng dumaan papuntang Mindanao Avenue. Maaaring lumusot mula rito sa campus ng University of the Philippines sa pamamagitan ng Luzon Avenue hanggang Katipunan papuntang C-5.
Mananatili namang bukas ang rampa ng cloverleaf para sa mga sasakyang papuntang Balintawak Market at EDSA-North Avenue.
Sa gagawing pagkakabit ng NLEX at Skyway Stage 3 sa bahagi ng Camachile, inaasahan ang lalong pagbigat ng daloy ng trapiko sa southbound lane ng NLEX dahil gagamitin ang inner lane o gitnang bahagi ng expressway upang magtayo ng mga poste ng Skyway 3. Iba pa rito ang paggamit sa magkabilang shoulder nito upang siyang paglagyan ng rampa.
Ayon kay San Miguel Corporation Project Manager Alex Solomon, target matapos ang bahaging ito sa Disyembre 2019.
Kapag pormal nang nabuksan ang 18 kilometrong Skyway Stage 3 sa mga motorista, ang mga sasakyang mula sa NLEX ay makakabiyahe na papuntang South Luzon Expressway sa loob lamang ng 15 hanggang 20 minuto. Malayung malayo sa kasalukuyang inaabot na mahigit dalawang oras.