Pagpapahaba sa Plaridel Bypass hanggang San Miguel, sinimulan na

SAN RAFAEL, Bulacan — Tinatambakan na ng lupa ang bagong biling right-of-way na magiging ruta ng gagawing pagpapahaba sa Plaridel Arterial Road Bypass papuntang San Ildefonso at San Miguel, Bulacan.

Ayon kay Engr. Michael Principe ng Department of Public Works and Highways-Unified Project Management Office, may habang 3.2 kilometro na ang unang napapatambakan na nagpapahaba mula sa San Rafael hanggang San Ildefonso.

May halagang 150 milyong piso ang ginugol dito na mula sa pambansang badyet ng 2018.

Ngayong 2019, may 1.3 kilometro ang tatambakan para papaabutin sa barangay Anyatam sa San Ildefonso ang nasabing bypass road. Ngayong naipasa at naratipika na ng Kongreso ang pambansang badyet ng 2019, tiyak nang may 161 milyong piso para sa bahaging ito ng proyekto.

Target namang matapos ang Plaridel Arterial Road Bypass hanggang sa bayan ng San Miguel sa taong 2022.

Paliwanag ni Principe, may haba itong 9.8 kilometro na nagkakahalaga ng 965 milyong piso. Lahat aniya ng ginagastos at gagastusin dito ay sariling pondo mula sa national budget.

Kapag nakumpleto ang Plaridel Arterial Road Bypass hanggang sa bayan ng San Miguel, mabilis nang makakarating sa dulong hilagang silangan ng Bulacan mula sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway o NLEX.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagpapalapad sa bagong bukas na 24 kilometrong Plaridel Bypass Road Bypass mula sa San Rafael hanggang sa Balagtas Exit ng NLEX.

Gagawin itong apat na linya o tig-dalawang linya sa magkabilang direksyon sa tulong ng 4.3 bilyong pisong Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews