BOCAUE, Bulacan, Peb.16 (PIA) –– Tiyak nang magdidiretso ang pagtatayo sa bagong Ospital ng Bocaue ngayong kasama sa niratipikahan ng Kongreso sa Pambansang Badyet ng 2019 ang 100 milyong piso para rito.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, ang halaga ay bahagi ng 16.8 bilyong pisong ibinalik ng Senado sa pondo ng Department of Health para sa Health Facilities Enhancement Program.
Noong 2017, naglabas ng dokumento para sa pagsusubasta si Lourdes C. Macabulos, tagapangulo ng bids and awards committee ng DOH, para sa 75 milyong pisong proyekto.
Pormal namang sinimulan ang pagtatayo ng Ospital ng Bocaue gamit ang nasabing pondo habang may 100 milyong piso naman para rito ngayong 2019.
Ayon kay Mayor Joni Villanueva-Tugna, mangangailangan ng kabuuang 250 milyong piso para maitayo ang ospital na magkakaroon ng 50 kama.
Kapag natapos ang proyekto at pormal nang binuksan sa publiko, tatawagin itong Joaquin Villanueva Medical Center bilang parangal sa pamilya ni Bro. Eduardo Villanueva na tubong Bocaue na siyang nagkaloob ng lupa bilang donasyon sa pamahalaang bayan ng Bocaue.
Itinatayo ang nasabing ospital sa 9,425 metro kudradong lupa malapit sa pinagtatayuan ngayon ng munisipyo ng Bocaue.
Gagawing departamentalized ang magiging ospital na ito kung saan lalakipan ng kumpletong kasangkapan gaya ng pediatrics, obstetrics at gynecology, surgery at iba pa.