DTI, nagkaloob ng karagdagang makina sa koop ng Pandi

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkaloob ng humigit kumulang 300 libong pisong halaga ng karagdagang mga makinang pangburda at panahi ang Department of Trade and Industry o DTI sa Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Pandi.

Ayon kay DTI Provincial Director Zorina Aldana, nais nilang paigtingin ang pagtulong sa industrya upang i-angat ang kalidad ng mga yaring produkto ng kooperatiba tulad ng barong, gowns, Filipiniana, wedding dress, coat at iba pa.

Dagdag pa ni Aldana na bukod sa makina ay patuloy ding silang nagsasagawa ng mga product development seminar upang makasabay sa global standards ng fashion industry at garment production.

Katunayan ito lamang nitong huling yugto ng 2018, 40 negosyante at mananahi ang personal na tinuruan ng sikat na designer na si Renee Salud at ng Fashion Institute of the Philippines.

Patuloy din aniya ang paglahok ng mga ito sa local trade fairs upang itaas ang antas ng kanilang marketing.

Matatandaan na kauna-unahang benepisaryo ang nasabing kooperatiba ng Shared Service Facility ng DTI kung saan tumanggap ito ng 1.8 milyong pisong halaga ng computerized embroidery machine noong 2013.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews